Miyerkules, Enero 13, 2010

Huwag kang magbibigti

HUWAG KANG MAGBIBIGTI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bakit ba nakatalungko ka riyan
sa mga problema ba'y nabibigatan
bakit kaytindi ng nararanasan
problema nga ba'y walang katapusan

bakit ba lubid na ang iyong tangan
balak mo bang magbigti, kaibigan
aba. aba, maghinay-hinay ka lang
pagkat problema mo'y may kasagutan

ay naku, huwag mong pakadibdibin
ang bumabagabag na suliranin
solusyon ang iyong pakaisipin
at di kung paano ka ibibitin

huwag kang magbigti, sayang ang buhay
may solusyon pang darating na tunay

Planong Panis

PLANONG PANIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

"An idea not coupled with action will never get any bigger than the brain cell it occupied." ~Arnold Glasow

anumang plinano'y napapanis
pag di ginawa'y nakakainis
mahirap naman kung magtitiis
di maaksyunan ang planong nais

utak-biya kaya ang kapara
ng nagplanong panis naman pala
ang hirit ko lang sana'y pasensya
kung may nasapol sa pambubuska