Lunes, Hunyo 1, 2020

Manunulat na karpintero

manunulat man, paminsan-minsan ay karpintero
tangan ang lagari, kahoy, mga pako't martilyo
kaya sa pagkatha'y may mga paksang panibago
kahit na di talaga karpintero ang tulad ko

iginuhit sa kwaderno ang planong nasa isip
tiyaking may mga gamit kang iyong halukipkip
anong gagawin sa kwarantinang nakaiinip
gawaing bahay, magkarpintero, at di umidlip

kahit nga simpleng kulungan ng manok ang magawa
sa inahing may labing-isang itlog na napisa
nang may bagong tahanan na siya't kanyang alaga
ang plinano ko sa kwaderno'y ginawa kong kusa

inihanda ang lapis, lagari, kahoy, kawayan
at sinukat ang gagawing haligi't ginuhitan
ganyan din sa mga kahoy, saan ang uukitan
handa nang maglagari, sa trabaho'y napalaban

unang araw, pagputol ng kawayan at pagkayas
sunod na araw, pundasyon ay ginawang parehas
inukit ang kawayan, pasok ng kahoy sa butas
nagpako, nagtali ng alambre, loob at labas

ikatlong araw, naglagay ng iskrin sa palibot
sahig at bubong, dapat walang sisiw na lumusot
nang tapos na, inahin at sisiw niya'y dinampot
at ang bagong tahanan ang sa kanila'y sumambot

ganyan nga, paminsan-minsan, tayo'y karpintero rin
anong gagawin, maitutulong, kayang abutin
may bagong piyesa sa mga karanasan natin
ganito pag kwarantinang kahit ano'y gagawin

- gregbituinjr.
06.01.2020










Ang tubig ay buhay

Ang tubig ay buhay

"Even a drop can bring life. Save water" ang paalala
sa bago kong kwadernong pangkalikasan talaga
isang patak man ng tubig ay makasasagip na
kaya ang tubig sa bayan ay ganyan kahalaga

ang tubig nga'y batayang serbisyo sa bawat tao
at karapatan itong di dapat ninenegosyo
ngunit nagmahal ang tubig, tila ginto ang presyo
galing kasi ito sa negosyo't tubong may metro

mabuti'y may tubig ulan na aming sinasahod
sa mga malalaking timba mula sa alulod
ang tubig-ulan na walang presyo't nakalulugod
tubig galing sa tubo'y may presyong nakalulunod

kaya maganda ang kwardernong may ganitong bilin
na sa bawat mag-aaral ay mabuting gamitin
kaya sa anak mo, ganitong kwaderno ang bilhin
di kwadernong may artistang sa ganda'y sasambahin

- gregbituinjr.
06.01.2020