Lunes, Marso 21, 2022

Sa Timog-Katagalugan

SA TIMOG-KATAGALUGAN

nagpapatuloy ang kampanyahan
doon sa Timog-Katagalugan
upang maipagwaging tuluyan
ang kandidato sa panguluhan

maipanalo si Ka Leody
ng masang ating kinukumbinsi
lalo sa mga bagong botante
na sa bagong pulitika'y saksi

kahit tumatagaktak ang pawis
ang ikinakampanya'y malinis
walang korupsyon o bahid-dungis
ngunit magaling makipagtagis

anti-dinastiyang pulitikal
anti-trapo at anti-kriminal
anti-burgesya't anti-pusakal
ang sistema nga'y kanyang inaral

line-up niya'y ating ipanalo
sa pagka-Bise'y si Walden Bello
bilang Senador: Luke Espiritu,
Roy Cabonegro, at D'Angelo

doon sa Timog-Katagalugan
sigaw namin: Manggagawa Naman
P.L.M. partylist, atin iyan
para sa uri, para sa bayan

- gregoriovbituinjr.
03.21.2022 World Poetry Day

Pasasalamat

PASASALAMAT

salamat sa lahat ng dumalo
sa World Poetry Day ngayon dito
pagkat nagtulaan tayo-tayo
sa munting aktibidad na ito

kasama ang mga maralita
na talaga kang mapapahanga
pagkat sila'y nakisamang sadya
sa pagbabasa ng mga tula

tula'y binasa ng malumanay
iba'y binasa iyong kayhusay
binigkas nilang buhay na buhay
kaya taos kaming nagpupugay

matapos iyon ay nagmeryenda
mani, pandecoco, ensaymada
may saging, kanin, pritong isda pa
lahat kami'y umuwing masaya

muli, taospusong pasalamat
sa mga dumalo rito't sukat
sa World Poetry Day, aktibidad
natin tungo sa lipunang sapat

- gregoriovbituinjr.
03.21.2022

* salamat sa mga dumalong maralita mula sa komunidad ng Brgy. San Miguel at Brgy. Palatiw sa Lungsod ng Pasig

Pagtula

PAGTULA

di napuntahan ang toreng garing
upang magsanay maging magaling
ngunit napunta sa magigiting
na bayaning may mabuting supling

isinilang akong walang-wala
sa daigdig na puno ng sigwa
binigay ko ang lahat sa tula
dito ako dinala ng mutya

na kilalang Musa ng Panitik
na haraya'y tigib, liglig, siksik
na binungang diwa'y sadyang hitik
upang itula ang masa't hibik

patuloy ako sa paglalakbay
tinawid yaong bundok at tulay
at nilangoy ang laot ng malay
ay patuloy sa pagkatha't pakay

hanggang mailarawan sa akda
ang pinagsamantalahang dukha
at mga naaping manggagawa
dahilan sa sistemang kuhila

dahon ng kalikasa'y naluoy
di magawang pakuya-kuyakoy
paa ko'y lumubog sa kumunoy
subalit sa pagtula'y patuloy

- gregoriovbituinjr.
03.21.2022 World Poetry Day

Ngayong World Poetry Day

NGAYONG WORLD POETRY DAY

nakatulala sa tala
sa tulay nakakatula
ng tulang palabang diwa
may tula'y subok sa sigwa

halina't tula'y ibigkas
sa ating munting palabas
sana'y may lipunang patas
nasa'y lipunang parehas

World Poetry Day na ngayon
pangarap pa ring sumulong
sa hamon ay di uurong
sa laban man ay sumuong

tara, tayo'y magsikatha
ng tulang nasasadiwa
paksa ma'y para sa dukha
o sa uring manggagawa

diona, tanaga, dalit
bigkasin sa maliliit
karapata'y ginigiit
upang hustisya'y makamit

sa epiko'y isiwalat
ang sa mga trapo'y banat
magsusulat, magmumulat
hustisya'y para sa lahat

- gregoriovbituinjr.
03.21.2022