Linggo, Marso 5, 2023

Sa paglalakad

SA PAGLALAKAD

patuloy ang paglalakad ko't paglalakbay
di upang hanapin ang pagyaman sa buhay
sayang ang buhay ko kung iyan lang ang pakay
habang iba'y nagugutom at namamatay

kung sakaling sa lakbayin ay mapatigil
di dahil nagsawa na kayâ napahimpil
may dapat nang gawin laban sa mga sutil
na sa laksang mamamayan ay naniniil

saanmang wala ang panlipunang hustisya
asahan mong nandyan kami't nakikibaka
upang kalabanin ang mga palamara,
kuhila, mapangmata't mapagsamantala

lalo't winawasak nila ang kalikasan
sa ngalan ng tubo, luho, at kaunlaran
kung sinisira ang bundok at kagubatan
ng mga korporasyong tuso at gahaman

wasto lamang bakahin ang mapang-abuso
na pera't tutubuin lang ang nasa ulo
binabalewala ang katutubo't mundo
walang pakiramdam, di nagpapakatao

- gregoriovbituinjr.
03.05.2023

Bukas

BUKAS

kinabukasan ang tinatanim
nang balang araw ay may makain
upang mawala ang paninimdim
upang buhay ay mapaunlad din

isang kaunlarang di wawasak
sa kalikasan, bayan, pinitak
sa ating kapwa'y di nanghahamak
ginagawa'y kung ano ang tumpak

pagpapakatao ang palasak
nakatira man sa abang amak
kahit may sugat na nagnanaknak
nakikipagkapwang buong galak

paghandaan ang bukas ng anak
huwag unahin ang yosi't laklak
magtanim, mag-ipon at mag-imbak
nasa lungsod man, bukid o lambak

pangarap ay sistemang parehas
pagkakapantay ang nilalandas
nabubuhay sa lipunang patas
patungo sa maginhawang bukas

- gregoriovbituinjr.
03.05.2023

Idolo

IDOLO

isa siya sa aking idolo
sa pagsusulat ng tula't kwento
na sa pagkatha'y talagang henyo
sa pagpanday ng akda'y ehemplo

nagpasimula ng horror writing
pasimuno ng detective writing
sikat ang kanyang tulang The Raven
kwentong The Black Cat niya'y kaygaling

sinalin ang ilan niyang akda
upang mabasa ng ating madla
kung anong kanyang nasasadiwa
bilang mahusay na mangangatha

O, Edgar Allan Poe, mabuhay ka
lalo na't akda mo'y kaygaganda
pagsusulat mo'y parang pagpinta
paglalarawan mo'y binabasa

- gregoriovbituinjr.
03.05.2023