Miyerkules, Setyembre 23, 2009

Sa Mga Mahilig Mampula

SA MGA MAHILIG MAMPULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

bakit ba may taong mahilig mampula
tila iyon na ang kasiyahan niya
para bang kaysayang merong lumuluha
tila nais niya'y maraming magdusa
pag may naaapi, siya'y tuwang-tuwa
sadyang abot ngiti siya hanggang tenga

natutuwa siyang may napapahamak
walang pakialam kahit makasakit
maligaya siyang merong hinahamak
at ang simpleng masa'y nilalait-lait
siya'y mapang-api kahit umiindak
mapagsamantala kahit umaawit

paniwala niyang siya na'y magaling
at ang ibang tao'y pawang walang kwenta
siya ang malinis, ang kapwa'y marusing
siya'y maharlika, masa'y etsa-pwera
sa sarili niya'y kaytaas ng tingin
at ang pang-aapi'y kaligayahan na

mga tulad niya'y anong klaseng tao
tao nga ba siya, o baka demonyo
una ang sarili sa kaniyang ulo
at nasasarapang iba'y maperwisyo
sa katulad niya'y kawawa nga tayo
dapat lamang siyang iwasan ng todo

Bata pa si Sabel

BATA PA SI SABEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

bata pa itong ni Sabel
na kayganda't mukhang anghel
ngunit puno ng hilahil
asin lagi'y dinidildil

ngunit siya'y may pangarap
na makaalpas sa hirap
na dinaranas ng ganap
at matapunan ng lingap

may kapuri-puring asal
at pangarap pang mag-aral
nais na inang nagluwal
ay hindi na magpapagal

pangarap niyang magtapos
nang di na maging busabos
ngunit walang pantutustos
sa edukasyong magastos

ayaw na niyang magdusa
ang maysakit niyang ina
panay nga ang dasal niya
sana'y matulungan sila

kaya siya'y nagsumikap
upang mahawi ang ulap
kaya trabaho'y naghanap
ngunit wala pang tumanggap

pagkat si Sabel pa'y bata
ngunit nais nang magtyaga
upang mapawi ang luha
sa buhay nilang dalita

siya nga'y ating tulungan
upang kanyang maramdaman
ang nasang kapayapaan
ng kanyang puso't isipan

at matupad din ng ganap
ang kanyang pinapangarap
na maibsan na ang hirap
at ginhawa na'y malasap

bata man itong si Sabel
na kayganda't mukhang anghel
ngunit di siya tumigil
na maibsan ang hilahil

Pangarap ng Batang Lansangan

PANGARAP NG BATANG LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

araw-araw nakikita'y mga bata
sa lansangan na palagi nang asiwa
na para bang sila'y wala nang tiwala
sa lipunan pagkat walang napapala

pag sumampa sa mga dyip nanghihingi
ng anumang malilimos kahit konti
kadalasan pasahero'y humihindi
pagkat sila'y naabala na lang lagi

ngunit bakit may ganitong mga bata
dahilan ba ang magulang ay pabaya
sila'y bakit tila hindi pinagpala
kalagayang ito'y saan ba nagmula

pawang hirap, kagutuman, ang dinanas
kaya iba ang kanilang nilalandas
kahit gusto pa ring nilang pumarehas
di magawa pagkat mundo ay kayrahas

sila'y pawang sa lansangan na nabuhay
silang nais na buhay ay pantay-pantay
silang batang may pangarap namang tunay
na mabago ang kanilang pamumuhay

naiisip bakit sila isinilang
sa mundo na kayrami ng nanlalamang
nangangarap silang sana'y patas lamang
itong buhay at wala nang nanlilinlang

nais nilang magtapos ng pag-aaral
ngunit walang ipambayad pagkat mahal
matrikula't edukasyon na'y kalakal
ayaw nilang habambuhay maging hangal

halina at bigyan natin ng pag-asa
at turuan sila kahit pagbabasa
pagkat sila'y batang ayaw nang magdusa
sa buhay na nais nilang mapaganda

Minsan, sa isang Birhaws

MINSAN, SA ISANG BIRHAWS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan sa isang birhaws ako'y napagawi
para bang doon ako'y nagbabakasakali
na ang hinahanap kong may magandang ngiti
ay makita roon at baka manatili

aba'y nakita ko nga ang kaygandang mukha
ng isang dilag na akala mo'y may luha
napakaamo ng mukha niyang tulala
kaygandang masdan ng mukha niyang payapa

ngunit bakit sa birhaws ay naroon siya
dahil ba sa kahirapang dinanas nila
at wala na bang magandang magagawa pa
upang maiahon sa putik ang dalaga

habang siya'y palagi kong tinititigan
siya'y gumaganda sa mapusyaw na ilawan
sadya ngang inosente ang kanyang larawan
na parang di mahipo kahit talampakan

habang tumatagay nililingon ko siya
at sinusulyapan yaong mukhang kayganda
na para bang nais ko nang angkinin siya
ngunit ayoko nang gumawa ng eksena

sapat na sa aking siya'y makaulayaw
at sapat na ring siya'y aking natatanaw
makausap kahit patay-buhay ang ilaw
tititigan siya hanggang siya'y matunaw

ako ma'y putik ngunit nais kong iahon
sa putik din ang magandang dalagang iyon
ayoko kasing siya'y sa birhaws ikahon
may pag-asa pa siya upang makabangon

nais kong tulungan yaong magandang dilag
dahil iring puso ko'y kanyang pinapitlag
gagawin ko lahat nang di dahil sa habag
hanggang sa pagsamo ko siya'y mapapayag

"ngunit bakit galing birhaws" ang mga tanong
para bang sila sa mundong ito'y kaydunong
hinuhusgahan agad kahit walang sumbong
akala mo nama'y santo ang mga buhong

sagot ko'y karapatan din nilang mabuhay
naroon sa birhaws para maghanapbuhay
kaysa naman nakatanghod sila't may lumbay
kaya dapat lang silang sa mundo'y umugnay