Biyernes, Hulyo 30, 2010

Batas ng Bundat

BATAS NG BUNDAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod, soneto

dapat nang makawala sa batas ng bundat
ang uring manggagawang laging sinisilat
pagkat batas na ito'y di para sa lahat
tutukan na ito ng ating mga banat

batas ng bundat ay batas ng masisiba
binibira nila ang mga manggagawa
binabarat nila yaong lakas-paggawa
kapitalismo nga'y sistemang mapanira

winawasak nila ang ating pagkatao
ginigiba pati ang buhay ng obrero
dahil sa tubo, sila'y nagiging demonyo
sadyang ito ang batas ng kapitalismo

dapat magkaisa ang mga nagsasalat
upang madurog natin ang batas ng bundat

Paglulubid ng Buhangin

PAGLULUBID NG BUHANGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pinuno kaya'y naglulubid ng buhangin
di kaya paratangan siyang sinungaling
o ginawa niya'y katapatang malalim
sa mga sakop kaya sinabi'y taimtim
o baka naman siya'y totoong balimbing

e, kaybago pa naman ng pinunong iyan
bakit hindi muna natin siya subukan
ang masa ba sa kanya''y may maaasahan
o katulad din siya ng mga nagdaan
mapaglubid ng buhangin, pawang bulaan

noong kampanyahan, maririnig sa dila
ang kanya raw isanglibo't isang panata
sa taumbayan, na pag naboto'y giginhawa
itataas daw ang sahod ng manggagawa
at di na idedemolis ang maralita

ngunit pawang pangako pa lamang ito ngayon
hindi pa ramdam ang ginhawang dulot niyon
kung sakali mang di niya tinupad iyon
dapat lamang siyang ibagsak at ibaon
sa limot o kaya'y sa kangkungan itapon

Mensahe sa Pader

MENSAHE SA PADER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

mayayaman sa impormasyon
ang mga mensahe sa pader
basahin mo ang naroroon
at baka mensahe ng lider

ng mga manggagawang api
sa kanilang mga trabaho
mensahe'y namnaming mabuti
diwa ng obrero'y narito

kontraktwalisasyon itigil
iboykot ang mga produkto
sa pabrika upang mapigil
ang pagtatanggal sa obrero

nais iparating ng masa
sa pader ang mga mensahe
kung sa pader nagsulat sila
sila ba'y iyong masisisi

minsan, magbasa ka sa pader
tagong mensahe'y makikita
na di malabas sa newspaper
nitong mga kapitalista

sa pader, suriin ang sulat
diwa ng obrero'y nariyan
tiyak ikaw ay mamumulat
sa pader ng katotohanan