Biyernes, Setyembre 5, 2025

Tularan si Eurytus, hindi si Aristodemus

TULARAN SI EURYTUS, HINDI SI ARISTODEMUS

dalawang Spartan ang pinauwi
ni Haring Leonidas ng Sparta
parehong sakit sa mata ang sanhi
na baka makasamâ sa opensa

tatlong daang mandirigmang Spartan
yaong paroroon sa Thermopylae
dalawa'y kabilang sa tatlong daan
subalit pinauwi silang tunay

umalis silang dalawa subalit
bumalik sa digmaan si Eurytus
napaslang sa digma, nagpakasakit
ngunit umuwi si Aristodemus

tinawag na duwag, di kinausap
ng kapwa Spartan, nakakahiya
sa kasaysayan, di naburang ganap
ang sinapit, dangal niya'y nawala

kaya bilang aktibistang Spartan
magandang halimbawa si Eurytus
maysakit man tayo'y ating tularan
hanggang mamatay, nakibakang lubos

- gregoriovbituinjr.
09.05.2025

* litrato mula sa google

Ang nasusulat sa bato

ANG NASUSULAT SA BATO

"Nothing is written in stone."?
ikako naman, mayroon
lapida ba'y anong layon?
di ba't batong marmol iyon?

isa iyong parikalâ
o irony, ang salitâ
na winika ng matandâ
sa bato nasulat pa ngâ

di pa naukit ang gayon
marahil noong panahon
nina Zeus at Poseidon
wala pang sibilisasyon

anong kahulugan nire?
sa masa'y anong mensahe?
wala nga bang permanente?
o sa sitwasyon depende?

- gregoriovbituinjr.
09.05.2025

* larawan mula sa google

DPWH Contractor, gahaman daw?

DPWH CONTRACTOR, GAHAMAN DAW?

nagpatama na naman si Kimpoy
salita'y walang paligoy-ligoy
pag pamilyang gahaman sa pera
ano raw ang tawag sa kanila?

DPWH Contractor po
aba'y kaygalang ng bata, may 'po'
batid sa Barangay Mambubulgar
ang kalokohan kaya nang-asar

ibig sabihin, na kahit bata
na danas din marahil ang baha
na pondo sa proyektong flood control
ay bayan talaga ang binudol

kawawang bayan kong walang alam
kung di nagbaha'y di malalaman
dapat lang imbestigahan ito
maysala'y parusahang totoo

- gregoriovbituinjr.
09.05.2025

* komiks mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 2, 2025, p.4