SA WIKA NG MANANAKOP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
hanggang ngayon ba'y alipin pa rin ang diwa
ng mga kababayang animo'y tulala
sa diwa ng umapi't sumakop sa bansa
sinasamba itong katulad sa Bathala
wala na ba tayong sariling kalinangan
kaya sinasalita'y wika ng dayuhan
at pinaiikot ang ating kamalayan
na wika ng dayo ang gamiting tuluyan
nais nilang mamatay ang sariling wika
upang ugnay sa nakalipas ay mawala
at makaalpas umano sa dusa't luha
na karaniwang nararanasan ng madla
nais ba nilang sariling wika'y mamatay
upang dayuhan ang sambahin nating tunay?