PAG-ALON SA SILONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
lintik si Ondoy, parang bagyong napapraning
dinaluyong din ang lungsod ng bagyong Pedring
ngayon naman si Gener kasabay ay hanging
kaylakas, di ka makatulog ng mahimbing
upang magbantay, baka epekto'y lumala
lalo pang magngalit ang bagyong dambuhala
na nagbibigay-takot sa dibdib ng madla
habang asam nila, galit nito'y humupa
abot na ang alon sa silong ng tahanan
dinaluyong pati sementadong lansangan
basketbulan nga'y mistulang palaisdaan
sa silong yaong tilapya'y naglulutangan
iba na nga ang panahon, ibang iba na
dahil nga ba ito sa nagbabagong klima
biglang lamig, biglang init, ramdam mo'y kaba
sa ganito'y paano aangkop ang masa
may pangamba na kahit sa munti mang ambon
sa silong ng bahay, nariyan na ang alon
kung inabot pa'y taas, paano aahon
anong gagawin pag bahay na'y dinaluyong
bagyo ma’y kakambal na ng buhay na iwi
ngunit ito'y suliraning sadyang masidhi
nasa ating kamay yaong solusyong mithi
pagtutulungan ng lahat ang tanging susi