Sabado, Enero 1, 2022

Pambungad na tula sa 2022

PAMBUNGAD NA TULA SA 2022

di paramihan ng nakakatha itong pagtula
kundi pagsulat ng danas sa bawat kabanata
niring buhay tulad ng pagdaan ng mga sigwa
sa tulad kong nasalanta'y nakapagpatulala

sinalanta ng unos ang tula ko ng pag-ibig
tula mang sa uri'y nanawagang magkapitbisig
buhay ko na ang pagkatha ng tula, di lang hilig
tinatanim ay mga binhing laging dinidilig

isa lang akong karaniwang taong tumutula
bilang aktibistang kumikilos sa maralita
nilalarawan ang buhay ng uring manggagawa
at kasama sa pakikibaka ng mga dukha

sa tuwina'y tahimik lamang akong nagmamasid
lalo na't alam kong kayraming paksa sa paligid
may pakpak ang balita, kasabihang aking batid
may tainga ang lupa, mga mensahe'y walang patid

para sa hustisyang panlipunan, di paninikil
para sa karapatang pantao, laban sa sutil
hangga't may hininga'y lalabanan ang paniniil
at patuloy kong tatanganan ang bolpen at papel

- gregoriovbituinjr.
01.01.2022

litratong kuha ng makatang gala sa isang pagtitipon, Disyembre 19, 2021