Lunes, Agosto 16, 2021

Baligtad

BALIGTAD

dalawa sila, di nila sadya, nakunan ko lang
ng litrato na baligtad ang plakard nilang tangan
marahil 'yung isa'y agad naitama rin naman
kung susuriin ang kamay kung saan nakatangan

subalit minsan, may nakukunan akong litrato
baligtad talaga ang plakard habang hawak ito
di ko nilalabas, baka mapahiya ang tao
sumamâ pa ang loob, baka masisi pa tayo

kung baligtad ang plakard, baka iba'y nasa isip
subalit huwag laiting siya'y nananaginip
baka may inaalalang dapat palang masagip
may mga problemang sinasarili't halukipkip

plakard ma'y baligtad, huwag isiping bano agad
matutong rumespeto, bawat isa'y may dignidad
minsan, nagkakamali rin tayo't di makausad
sa mga problema kaya isip ay lumilipad

gayunman, taos pasalamat pa rin sa pagsama
at naparating natin ang mensahe sa ahensya
kung may iniisip na iba, sa plakard, alam na
at baka rin makatulong anuman ang problema

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021

- kuha sa pakilos ng maralita sa harap ng DHSUD, 07.21.2021

Programa

PROGRAMA

sa T.V., kayraming programa, tulad ng balita
tuwing tanghali nama'y may palabas na pangmadla
mayroon ding pelikulang pangmatanda't pambata
sa radyo, may programang pag narinig ay luluha

sa mga N.G.O, may mga programa ring alam
halimbawa'y ang pagtataguyod ng child rights program
o kung paano ang kahirapan ay mapaparam
o paano tutugon sa sikmurang kumakalam

saanman, kaharap natin ang maraming programa
sa telebisyon man, radyo, o kahit sa pabrika
maayos na ginagampanan upang magkapera
maayos na ginagawa upang takbo'y gumanda

programa yaong serye ng mga palatuntunan
o kaya'y plano ng pagpapatakbo ng samahan
o kaya'y serye ng mga pag-aaral din naman
sa kompyuter man, may programa ring dapat malaman

kaya kung napapalibutan tayo ng problema
mabuting suriin ito't gumawa ng programa
anong mga salik, anong hakbang ang nakikita
tulong-tulong sa pag-aayos ang mga kasama

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021

Brocolli

BROCOLLI

paninda't pasalubong ni misis iyang brocolli
galing pang lalawigan, tanim ng kanyang kumare
binebenta lang sa kakilala, di sa palengke
dahil sa lockdown, di ko rin mailako sa kalye

at dahil daw galing pa sa malamig na probinsya
dapat iluto na, dahil baka agad malanta 
agad kong iniluto't inihalo sa ginisa
tulad ng delatang sardinas o anumang tuna

lalo ngayong lockdown, brocolli'y panlaban sa gutom
mapagkukunan din ng hibla, protina, potasyum
pampalusog ng katawan, may selenyum, magnesyum
bitamina A, C, E, K, folic acid at kalsyum

ani misis, katamtamang luto, di lutong luto
subalit lutuin ito ng may buong pagsuyo
masarap na, pampalusog pa't di masisiphayo
kapara'y pagsintang pag nalasaha'y buong-buo

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021

Paalala't palala na ang kalikasan

PAALALA'T PALALA NA ANG KALIKASAN

magtanim ng puno, paalala ng kalikasan
pagkat umuunti na ang gubat sa ating bayan
tara nang magtanim, palala na ang kalikasan
kung laging mawawalan ng puno sa kagubatan

kayrami nang nagpuputol ng malalaking puno
upang gawing troso't maging limpak-limpak na tubo
ang pangangalaga sa kalikasan ba'y naglaho
kaya malalaking gubat na'y nakalbo't natuyo

paalala lamang ang nariritong babasahin
upang ating mundo'y alagaan at unawain
lalo na ang kagubatang bihirang bisitahin
kaya nangyayari rito'y di natin napapansin

hanggang pagbabasa na lang tayo, basa nang basa
wala ring magawa kahit na natutunghayan pa
anong gagawin upang tumugon sa paalala
kung malayo ka sa kagubatang di mo makita

kahit lungsod man, paalalang ito'y itaguyod
maano't baka minsan ay mapalayo sa lungsod
nayakag magtanim ng puno sa bundok, kaylugod
kaysa walang magawa sa problema't nakatanghod 

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021

Sunog na sinaing

SUNOG NA SINAING

naamoy ko na lamang ang nasunog na sinaing
kaya bigla akong balikwas sa pagkakahimbing
agad kong pinatay ang kalan, di man lang nainin
sunog ang gilid, sandaling idlip, buti't nagising

di ko naman nais pabayaan, napaidlip lang
mangyari'y napuyat kasi ng gabing nakaraan
napapikit lang saglit at humilig sa sandalan
marahil ang mali ko'y di hininaan ang kalan

aba'y kaysarap pa naman ng aking panaginip
pagkat kasama ko ang diwatang kaakit-akit
isa ako roong kabalyernong di makaidlip
hangga't natatanaw ko ang diwatang anong rikit

ganyan nga ang napapala ng antuking makata
kung di matutulog ng maaga'y puyat ngang bigla
isa itong karanasang di malimutang pawa
dahil pag naulit pa'y walang kaning ihahanda

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021

Euclid at Diophantus



EUCLID AT DIOPHANTUS


dalawang mathematician, sipnayanon, Griyego
kapwa taga-Alexandriang dakilang totoo
dahil sa kanilang inambag bilang mga henyo
na nabuhay noon pang nakaraang ilang siglo

si Euclid ang sa The Elements ang siyang may-akda
na sa matematika'y pinag-aaralang sadya
naglalaman ito ng labingtatlong kabanata
hinggil sa geometriya't aritmetikang pawa

si Diophantus ang may-akda ng Arithmetica
na hinggil sa number theory iyong mababasa
nanguna ring gumamit ng simbolo sa aldyebra
sa larangang iyon ay may ambag ding mahalaga

dalawang dakilang sipnayanon sa kasaysayan
akda'y mga ambag sa pagsulong ng kabihasnan
pasasalamat sa kanilang ambag sa sipnayan
at sa larangang ito'y kayrami kong natutunan

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021

* ang mga datos ay mula sa aklat na World Famous Astronomers and Mathematicians, pahina 89 at 93, inilathala ng Loacan Publishing House, 1999