Miyerkules, Marso 4, 2026

Ilog

ILOG

kayrami rin pala nating salawikain
hinggil sa ilog na dapat nating alamin
na bakasakaling makatulong sa atin

paano mo tatawirin ang Ilog Pasig
kung walang tulay? kung may bangka walang katig?
kung meron man, paggaod ba'y kaya ng bisig?

ang tahimik na ilog umano'y malalim
pag maingay ang tao, walang tagong lihim
kung kayang languyin, ilog ba'y lalanguyin?

ang Ilog ay di lamang iisa ang pampang
sa lubog ng lupà, ito'y naging pagitan
daluyang tubig, pampang ay magkabilaan

nais ko ring maligo't magbabad sa ilog
tanggalin ang libag, katawan ay ilubog
habang sa diwa'y may ideyang nangingitlog

- gregoriovbituinjr.
03.04.2026

* litrato mula sa Bulgar, 08.17.2025, p.9

Kalye

KALYE

kayraming tao sa kalye
magtatahô, bumibili
may batang hamog, pulubi
may dumaraang dyip, kotse

may tulad kong nagrarali
may mga bata't babae
magagandang binibini
ang naglalakad sa kalye

maralitâ, trabahante
manggagawa, pahinante
at mayroon ding salbahe
kaytindi kung dumiskarte

ang nagtitinda sa kalye
ay kumikita, di lugi
simpleng buhay, ganyan kami
sa araw man o sa gabi

- gregoriovbituinjr.
03.04.2026

* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon