Huwebes, Abril 13, 2023

Felicisimo Ampon, Pinoy tennis champ

FELICISIMO AMPON, PINOY TENNIS CHAMP

magaling na tennis player mula sa Pilipinas
si Felicisimo Ampon, dakilang manlalaro
medyo kaliitan man siya'y kanyang pinamalas
kung gaano kagaling ang Pinoy sa buong mundo

naging kinatawan siya ng bansa sa Davis Cup
sa loob ng sinasabing halos tatlumpung taon
natamo niya'y mga medalya sa pagsisikap
na dalhin sa rurok ang bansa't makilala roon

sa Far Eastern Games ay nakamit ang tennis gold medal
sa Pan American Games ay tennis singles gold medal
sa Asian Games natamo ang tennis doubles gold medal
sa Chinese Open Tennis ay doubles title ang medal

ngalang Felicisimo Ampon, dakilang atleta
ay ating tandaan, itaguyod ang larong tennis
sumusunod sa yapak niya'y isang dalagita,
si Alex Eala, mahusay, di basta magahis

tandaan natin ang ngalang Felicisimo Ampon
magaling na atleta, taospusong pagpupugay
sa ating bansa, alamat na siya't inspirasyon
O, Felicisimo Ampon, mabuhay ka! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
04.13.2023

* litrato mula sa fb, daghang salamat, ctto

Araw at buwan sa lumang kalendaryo

ARAW AT BUWAN SA LUMANG KALENDARYO

nang masaliksik ang El Calendario Filipino
sa Apendice J ng disyunaryong Cebuano
may lokal palang katumbas ang buwan ng Enero
hanggang Disyembre, pitong araw din ng buong linggo

Tagurkad ang araw ng Linggo, Damason ang Lunes
Ligid ang Sabado, Dukotdukot naman ang Martes
Baylobaylo ang Miyerkules, Danghus ang Huwebes
habang Hingot-hingot naman ang araw ng Biyernes

Ulalong ang Enero, Dagangkahoy ang Pebrero
buwan ng Abril ay Kiling, Dagangbulan ang Marso
Himabuyan ang Mayo at Kabay naman ang Hunyo
Dapadapon ang Hulyo, Lubadlubad ang Agosto

tinawag na Kanggorasol ang buwan ng Setyembre
habang Bagyobagyo naman ang buwan ng Oktubre
Panglot Ngadiotay naman ang buwan ng Nobyembre
habang Panglot Ngadaku yaong buwan ng Disyembre

Miyerkules at Oktubre ang kapanganakan ko
taon ng Unggoy, ka-birthday ni Gandhi, October two
may rima ang araw at buwan nang isilang ako
araw ng Baylobaylo at buwan ng Bagyobagyo

kalendaryo kayang ganito'y ating pausuhin
upang maitaguyod ang sariling wika natin
at isulat din ito sa katutubong Baybayin
unang hati pa lang ng taon, at kaya pang gawin

- gregoriovbituinjr.
04.13.2023

* litrato mula sa fb, daghang salamat, ctto

Sa silid

SA SILID

umulan ng madaling araw
kaya ngayon ay giniginaw
na sa buto ko'y humahataw
kailangang gumalaw-galaw

pagkat amihan ang hinatid
sa kalamnan ay sumisigid
pumapasok dito sa silid
sa lamig ka ibinubulid

kanina ako na'y nahimbing
nakakumot, pabiling-biling
sa panaginip ko'y hiniling
na ang diwata'y makapiling

subalit nagising sa lamig
katawan ay nangangaligkig
diwata sana'y makaniig
na kukulungin ko sa bisig

sa puyat ay nananatili
nais ko pang matulog muli
ngunit ginaw ang humahati
sa buong silid naghahari

- gregoriovbituinjr.
04.13.2023