Biyernes, Hunyo 5, 2020

World Environment Day sa panahon ng COVID-19

dahil sa maraming lockdown dulot ng COVID-19
kayraming tigil sa trabaho't naging matiisin
nasa bahay lang habang pamilya'y nagugutom din
kaytinding kalagayang di mo sukat akalain

subalit kailangang umangkop sa kalagayan
anong gagawin upang maibsan ang kagutuman
hanggang mapagnilayang bumalik sa kalikasan
pagkat ang buhay ay di lang hinggil sa kalakalan

nasa lungsod ka man, maaari ka ring magsaka
magtanim ng gulay sa mga walang lamang lata
bakasakaling pag may lockdown pa'y makasuporta
pagkat may gulay na pang-ulam ang buong pamilya

ika nga, sa kalikasan dapat tayong bumalik
ngayong World Environment Day, huwag patumpik-tumpik
pagpapakatao't mabubuting binhi'y ihasik
habang naipong plastik ay isiksik sa ekobrik

kalusugan ng pamilya'y laging asikasuhin
ang maruming kapaligiran ay ating linisin
huwag hayaang pagtapunan lang ang dagat natin
at tiyakin ding malinis ang ating kakainin

ngayong World Environment Day ay isiping mabuti
ang kalagayang "bagong normal" nilang sinasabi
pagharap sa "bagong búkas" ay huwag isantabi
patuloy na magsuri nang di lamunin ng gabi

- gregbituinjr.
06.05.2020

Huwag maging tuod laban sa terorismo ng estado

"Evil prospers when few good men do nothing." - anonymous

sabi nila, "pag wala kang ginagawang masama
huwag matakot sa Terror Bill" na kanilang gawa
ang kritisismo mo nga'y kanilang minamasama
paano na kaya ang karapatang magsalita
dapat mong ihibik ang hinaing mo'y di magawa

marami ngang walang ginagawa ang inaresto
nitong lockdown dahil daw pasaway ang mga ito
walang Terror Bill, laganap na ang pang-aabuso
may pinaslang pa nga silang isang dating sundalo
dukha nga'y hinuli dahil naghanapbuhay ito

ginawa ang Terror Bill upang kanilang matakot
ang tutuligsa sa ginagawa nilang baluktot
badyet sa pulis at militar nga'y katakut-takot
binawasan ang pangkalusugan gayong may salot
dito pa lang ay kita mo na sinong utak-buktot

tingin ng ilang may tsapa sa sibilyan ay plebo
kaya gayun-gayon lang mamalo ang mga ito
sa mamamayan upang daw maging disiplinado
natutunan ay hazing, manakit ng kapwa tao
walang Terror Bill, ganyan na sila kaabusado

pag kritiko ka, baka bansagan kang terorista
binabaluktot ang batas para lang sa kanila
kita mo ito kina Koko, Mocha't manyanita;
ang paglaban sa Terror Bill ay para sa hustisya
kaya huwag maging tuod, dapat lang makibaka

nais nilang maging pipi tayo't sunud-sunuran
kahit nayuyurakan na ang ating karapatan
nais ng Terror Bill na panunuligsa'y wakasan
lalo't tinuligsa'y buktot at may kapangyarihan
nakaupo sa tronong animo'y santong bulaan

#JunkTerrorBill
* Dissent is not a crime. EJK is!

- gregbituinjr.
06.05.2020 (World Environment Day)

Ilang tanaga sa kwarantina

* ang tanaga ay katutubong tulang may pitong pantig bawat taludtod

nakakatuliro na
ang buhay-kwarantina
gutom na ang pamilya
aba'y wala pang kita

nasok sa pagawaan
ngunit walang masakyan
ganitong kalagayan
nga'y sadyang pahirapan

nasaan ang respeto
nitong ating gobyerno
paano ang obrero
pupunta ng trabaho

kulang ang patakaran
nitong pamahalaan
di ba pinag-isipan
bago lockdown ay buksan

taktika'y di ba sapat?
estratehiya'y salat?
makikita mong sukat
ang trato sa kabalat

tunggalian ng uri
ang tila naghahari
burgesya'y nanatili
ang dukha'y pinapawi

kung ano-ano'y gawa
nitong trapong kuhila
batas na kinakatha
ay di angkop sa madla

di kasi lumululan
ng pangmasang sasakyan
kaya di nagagawan
ng wastong patakaran

pulitiko'y ganito
kasi nga'y asindero
o negosyante ito
pekeng lingkod ng tao

makataong lipunan
ang ating kailangan
kung saan karapatang
pantao'y ginagalang

- gregbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 20.