Miyerkules, Hunyo 19, 2024

Ulap na anyong bakunawa

ULAP NA ANYONG BAKUNAWA

ulap na anyong bakunawa ang natanaw
katanghaliang tapat, sikat pa ang araw
sa buwan lang ang bakunawa nauuhaw
nalunok na niya'y anim na buwan na raw

bakunawa yaong kumakain ng buwan
pag may eklipse o laho sa kalangitan
na sa alapaap ay aking natandaan
na sa panitikan nati'y matatagpuan

bakunawa'y tila dragon ang masasabi
o kaya sa Ibong Adarna ay serpyente
o sa Griyego ay ang earth-dragon ng Delphi
tulad ng nagngangalang Python at Delphyne

anong sarap pagmasdan ng ulap sa langit
mga disenyong di sa atin pinagkait
ulap na bakunawa, na ulan ang bitbit
sakaling bumuhos sana'y di nagngangalit

- gregoriovbituinjr.
06.19.2024

Pagpupuyat na naman

PAGPUPUYAT NA NAMAN

gabi hanggang madaling araw ay gising pa
di pa rin makatulog ang makatang aba
kaya si misis, ako'y laging pinupuna
sasabihan akong dapat magpahinga na

tanto ko namang tama talaga si misis
pikit man ako, sa diwa'y nagkakahugis
yaong mga katagang di ko na matiis
bigla akong babangon sa pagkagiyagis

agad kong isusulat ang nasasaisip
na ibinulong ng nimpa sa panaginip
hinggil sa samutsaring isyung halukipkip
pag nawala sa diwa'y walang kahulilip

kaya babangon ako't tiyak mapupuyat
upang lamig ay damhin nang nakamulagat
upang kathain ang sa diwa'y di maampat
upang sa kwaderno ang tinta'y ipakalat

- gregoriovbituinjr.
06.19.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect
* pagkagiyagis - pagkabalisa
* kahulilip - kapalit, di na maaalala

May kalayaan ba kung gutom ang masa?

MAY KALAYAAN BA KUNG GUTOM ANG MASA?

may kalayaan ba / kung gutom ang masa
may magagawa ba / sa palsong sistema
bakit naghahari / ang kapitalista't
masa'y tinapakan / ng tusong burgesya!

bakit patuloy pa / ang sistemang bulok
bakit namumuno'y / pawang trapong bugok
dinggin natin yaong / awiting Tatsulok:
ang dukha'y atin nang / ilagay sa tuktok

ang kapitalismo'y / talagang marahas
na sa dagdag sahod / sadyang umiiwas
ang lipunan dapat / patas at parehas
kaya dagdag sweldo'y / agad isabatas

iyang masang gutom / ay wala ngang laya
pagkat nasa hawla / ng trapo't kuhila
doon ipiniit / ang mayoryang dukha
sa sistemang ganyan / dapat makawala

kaya sambayanan, / tarang magsikilos
at magkapitbisig / tayong mga kapos
paghandaan itong / pakikipagtuos
sa sistemang dapat / nang wakasang lubos

- gregoriovbituinjr.
06.19.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Daang Espanya, Maynila, Hunyo 12, 2024