ANG TULAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
noon, nagsisilbi akong tulay
ng kaibigang nais manligaw
may napupusuan siyang tunay
ang dilag na nais niya'y ikaw
masakit man, pinamigay kita
sa kaibigang iniibig ka
at ako sa iyo'y dumistansya
ako'y nagpakalayu-layo na
alang-alang sa kaibigan ko
na sa iyo nga'y nagkakagusto
ngunit anong nabalitaan ko
sa kanya ako'y hinahanap mo
mahal ka ng aking kaibigan
kaya siya'y aking tinulungan
ngayon, ramdam niya'y kabiguan
iba raw ang iyong nagustuhan
at nagkausap kitang dalawa
habang puso ko'y kakaba-kaba
napakaganda mo pa rin, sinta
tanong mo'y pinamigay ba kita
di ako nakahuma't bantulot
ang pagkawala mo'y aking lungkot
pinamigay ka'y di ko masagot
pagkat totoo kahit makirot
iyon ay para sa kaibigan
na nakiusap ikaw'y lapitan
ipakilala kitang mataman
pagkat kanya kang napupusuan
ngunit di mo pala siya ibig
at ito'y kaysarap sa pandinig
tanong ko: "sino ang iyong ibig?"
tugon mo: "ikaw!", ako'y natulig
masaya ako, agad dugtong mo:
"pamimigay mo ba uli ako?"
"hindi na, aking mahal!" tugon ko
"ikaw na'y akin, ako na'y iyo!"