Lunes, Abril 4, 2022

Ang nakatagong printer

ANG NAKATAGONG PRINTER

tuwang-tuwa ako kay misis sa aking narinig
may nakatagong printer palang aming magagamit
noong kami'y magkalkal ng gamit sa isang silid
laking pasalamat, parang nabunutan ng tinik

ngunit wala namang tinta ang printer na nasabi
iyon ang una kong dapat lutasin nang may silbi
ang printer na sana'y di sira, tinta'y makabili
ma-print ang anumang dokumentong nasa U.S.B.

at sa mga printing shop ay di na ako tatakbo
doon ipi-print mo'y edited na, pinal na't sakto
kayhirap kung sa printing shop, pabalik-balik ako
upang i-edit ang munting mali't ito'y mabago

aba'y alam n'yo bang katawan ko'y biglang sumigla
lalo ngayong kayrami kong proyektong nasa diwa
munting dyaryo, pampleto ng mga ilan kong katha
mga salin ng haiku, mga koleksyon ng tula

ilang pangarap na magkakaroong katuparan
at maitutuloy na rin ang munting palimbagan
subalit itlog ay huwag munang bilangin naman
baka mapurnada pa't iba lang ang kahinatnan

lutasin muna ang tinta, mayroon bang pambili?
takbo ng printer ba'y ayos pa? anong masasabi?
kalagayan ng printer muna'y alaming maigi
nang pangarap ay matupad, printer dapat may silbi

- gregoriovbituinjr.
04.04.2022

Paspaslang sa buhong

PAGPASLANG SA BUHONG

ipinagsanggalang ni Flerida
ang tangkang gahasaing si Laura
ni Konde Adolfong palamara
Konde'y pinana't napaslang niya

pinagtiyap yaong karanasan
ng dalawang mutya ng kariktan
sa panahong di inaasahan
ay nagkita laban sa sukaban

Flerida'y tumakas sa palasyo
at sa gubat ay napadpad ito
upang sinta'y hanaping totoo
sa hari'y ayaw pakasal nito

relihiyon ay magkaiba man
magkapareho ng karanasan
kapwa biktima ng kabuhungan
ngayon ay naging magkaibigan

sinta ni Florante ay si Laura
sinta ni Aladin si Flerida
mula sa pait ng luha't dusa
ang sakripisyo nila'y nagbunga

mula sa akda ng bunying pantas
na di magwawagi ang marahas
Florante at Laura ni Balagtas
tulang para sa bayan at bukas

- gregoriovbituinjr.
04.04.2022

Balagtasan at Balagtasismo

BALAGTASAN AT BALAGTASISMO

Mabuhay ang makatang Balagtas
sa kanyang mga obra maestras
pagbubunyi sa dakilang pantas
na inspirasyon ngayon at bukas

sisne ng Panginay nakilala
may-akda ng Florante at Laura
awtor ng Orozman at Zafira
kinatha'y Mahomet at Constanza

mula sa kanya ipinangalan
ang Balagtasismo't Balagtasan
pamana't aktibidad pambayan
sa masa'y sadyang makabuluhan

Balagtasan at Balagtasismo
na umakit sa mga tulad ko
ay mga ideyang naimbento
noong ikadalawampung siglo

Balagtasan ay balitaktakan
sa isyung pangkultura't pambayan
dalawang makata'y maglalaban
patula, diwa'y magpipingkian

tinatawag na Balagtasismo
yaong mga tulang ang estilo
pagdating sa pantig, rima't metro
ay tulad ng kay Balagtas mismo

Balagtasismo'y sukat at tugma
ang nangungunang estilo't katha
Modernismo naman ay malaya
sa tugma't sukat sa mga tula

pagsulong ng panulaang bayan
ay talaga ngang kinagiliwan
may talinghaga, diwa't kariktan
pamanang tunay sa sambayanan

- gregoriovbituinjr.
04.04.2022