Miyerkules, Mayo 19, 2021

Paa'y nakatindig pa rin sa lupa

PAA'Y NAKATINDIG PA RIN SA LUPA

ayokong magmalaking marami-raming nagawa
dahil baka sa bayan, mga ito pala'y wala
kaya sa esensya, wala pa rin akong nagawa
dahil pinaghirapan ay walang silbi sa madla

kaya mga paa'y sa lupa laging nakatindig
mahinahon, mapagkumbaba, katulad ng tubig
kahit na nagsisikap sa mga gawaing bisig
ay sa putikan pa rin ang puso ko'y pumipintig

kayraming nakausap, nakapanayam na nanay
na ang mga anak ay bigla na lamang pinatay
walang due process, bala ang sa anak nga'y bumistay
hanggang ngayon, walang hustisya kundi dusa't lumbay

pinagmamasdan ko ang buwan paglitaw sa gabi
at kung walang buwan ay nakatitig sa kisame
sa Kartilya, kabakahin ang mga mang-aapi
ipagtanggol ang bayan laban sa mga salbahe

pinili kong maging kasangga ng mga maliit
kaya narito pa ring manggagawa'y sanggang dikit
paa'y laging nasa lupa, putik man ang pumagkit
at nakikibaka upang hustisya'y maigiit

- gregoriovbituinjr.

* litatong kuha ng makatang gala sa isang pasilyo niyang nilakaran

Ang tindig ko'y sa matuwid

nakakatindig ako ng tuwid at taas-noo
dahil sa paninindigan at tangan kong prinsipyo
aktibistang layunin ay lipunang makatao
at itinataguyod ay karapatang pantao

naninindigan sa prinsipyo't paraang matuwid
pinaglalaban ang karapatan kahit mabulid
sa karimlam sa pagsagupa sa sistemang ganid
panlipunang hustisya sa masa'y dapat ihatid

panigan lagi ang katuwiran at katarungan
isabuhay ang paggalang sa bawat karapatan
pantay, patas at parehas sa kapwa mamamayan
taas-noo nating mahaharap ang sambayanan

kaya narito ako, prinsipyadong nakatindig
at mga api sa lipunan ay kakapitbisig
tulad sa Kartilya, sa matuwid ako sumandig
upang kahit mamatay ay masayang malulupig

mawawala ako sa mundong walang bahid dungis
pagkat patuloy akong nagpapatulo ng pawis
pagkat nakibaka sa kabila ng dusa't hapis
pagkat aktibista akong ang konsensya'y malinis

- gregoriovbituinjr.

Kung bakit dapat walang nyutral


KUNG BAKIT DAPAT WALANG NYUTRAL

"If you are neutral in situations of injustice, you have chosen the side of the oppressor." ~ Desmond Tutu, born 7 October 1931, is a South African Anglican cleric and theologian, known for his work as an anti-apartheid and human rights activist. Winner of the 1984 Nobel Peace Prize.

katulad ko'y Libra rin ang aktibistang kleriko
taga-South Africa na Anglikanong teologo
wala raw dapat nyutral o tatahimik na tao
pag inhustisya na'y gumagambala sa kapwa mo

mabuhay ka, Desmund Tutu, kayganda ng tinuran
hinggil sa karapatan at hustisyang panlipunan
kinilala sa kanyang nagawa para sa bayan
may premyong Nobel pa sa usaping kapayapaan

pag nyutral ka sa mga inhustisya'y pumapanig
sa mga gawang kalupitan, krimen, panlulupig
pagsasamantala't pang-aaping dapat mausig
sa paglaban sa masama'y dapat tayong tumindig

pag nagtakip ka ng mata sa kawalang hustisya
pag nagtakip ka ng taynga sa hinaing ng masa
pag sa kawalang hustisya'y ayaw mong makibaka
pinili mo nang pumanig sa mapagsamantala

may karahasang nangyayari, tatahimik ka lang
takot kang madamay kaya wala kang pakialam
iniisip lang ay makasariling kaligtasan
tila nagtanggol sa karapatan ay inuuyam

kaya ako, di ako nyutral sa mga nangyari
lalo't sa kawalang hustisya, ako'y isang saksi
kahit patula, ipaaabot ko ang mensahe
dapat nating labanan ang anumang pang-aapi

- gregoriovbituinjr.