Huwebes, Hunyo 6, 2024

20,322 - 11,103 = 9,219

20,322 - 11,103 = 9,219

dalawampung libo, tatlong daan, dalawampu't dalawa
sa unang labimpitong buwan lang, bilang ng napaslang na
adik, ayon kay Chel Diokno, sa Kongreso'y sinabi niya
panahon ni Digong ay madugong panahon ng hustisya

halos apat na libo sa operasyon ng kapulisan
higit labing-anim na libo'y riding-in-tandem dawnaman
di pa kasama ang natirang apatnapu't tatlong buwan
ng rehimen, baka pag sinama'y lumaki pa ang bilang

ah, sinong mananagot sa mga pagkamatay na ito?
lahat ba sila'y nanlaban kaya pinaslang ng berdugo?
ikumpara mo: labing-isang libo, sandaan at tatlo
halos kalahati ang bilang ng biktima ng martial law

tingnan ang katwiran nila, na dapat lang nating malirip
dahil adik, wala sa katinuan, baka ka mahagip
gumagawa ng masama, dahil di matino ang isip
dapat unahan upang sa krimen nila tayo'y masagip

maganda ang intensyon, subalit mali ang pamamaraan
kayraming inang nawalan ng anak, hingi'y katarungan
hustisya kaya'y makakamit ng mga ina't ng bayan?
sinong huhuli sa utak kung ito'y makapangyarihan?

- gregoriovbituinjr.
06.06.2024

* Ulat mula sa Inquirer.net, June 5, 2024

Ginisang sardinas

GINISANG SARDINAS

niluto ko na naman / ay ginisang sardinas
na sinahog ko'y bawang, / kamatis at sibuyas
pagkain ng mahirap, / kinakain kong wagas
na habang nangangarap / ng lipunang parehas
ay nawiwili namang / makisalo madalas

sa katoto't kasamang / gaya ko'y maralita
kasama sa lansangan / ng uring manggagawa
kami'y nakikibaka / habang kinakalinga
ang kapwa mahihirap / na sangkahig, santuka

ginisang sardinas man / ang aming inuulam 
saya ng kalooba'y / sadyang mararamdaman
habang nagkakaisang / itatayo ang asam
ang magandang sistema't / makataong lipunan

-gregoriovbituinjr.
06.06.2024

*mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/swTjeGQ1Cn/ 

Polyeto

POLYETO

isa sa madalas kong / basahin ay polyeto
na pinaghahalawan / ng iba't ibang isyu
na siya kong batayan / ng mga tula't kwento
na inilalathala / sa blog at sa diyaryo

anong paninindigan / ng dukha't manggagawa
sa maraming usaping / apektado ang madla
ang kontraktwalisasyon, / pabahay, gutom, sigwa,
sahod, ChaCha, giyera, / lupang tiwangwang, baha

marapat isaloob / ng abang manunulat
ang laman ng polyeto / upang makapagmulat
paano isasalin / sa kanyang sinusulat
ang tindig at prinsipyong / sa polyeto'y nabuklat

ang polyeto'y basahin, / basahin ng mataman
ang isyu'y isaloob, / isapuso ang laman
upang pag nagsulat na / ng kwento't sanaysay man
ay di ka maliligaw / sa tinahak mong daan

- gregoriovbituinjr.
06.06.2024

Ang tula'y aking tulay

ANG TULA'Y AKING TULAY

ang tula'y aking tulay
sa masang matatatag
sa kanila ko alay
bawat paksang nilatag

halimbawa'y dalita
ramdam lagi ang hirap
di basta kawanggawa
ang dapat na malasap

kundi ang pagbabago
nitong sistemang bulok
sa tula ba'y paano
sa pagkilos mag-udyok

kaya sa adhikaing
baguhin ang sistema
makata'y may tungkuling
pagkaisahin sila

tula'y pagpapatuloy
ng saknong at taludtod
kahit na kinakapoy
pagtula'y aking lugod

tula'y tulay ko't layon
sa dukha't sambayanan
ito ang aking misyon
sa daigdig at bayan

- gregoriovbituinjr.
06.06.2024