KASAMA BA'Y DAPAT ITURING NA KAPATID?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 na pantig bawat taludtod
ang kasama ba'y dapat ding ituring na kapatid?
o dapat ituring siyang higit pa sa kapatid?
pagkat ang taya'y buhay na maaaring mapatid
kasamang kaisa sa prinsipyo at diwang hatid
iisa ang adhikang nananalaytay sa dugo
nagkaisa sa simulaing sa puso'y tumimo
mga kasama'y di lang kapatid kundi kadugo
kapwa rebolusyonaryo, kapamilya't kapuso
kung ang kapatid mo'y iyong pinangangalagaan
pagkat isa ang pinanggalingang sinapupunan
mga kasama'y dapat din nating pangalagaan
pagkat iisa ang kinaaanibang kilusan
pag may problema ang kapatid, tinatanong natin
at masinsinang kinakausap upang lutasin
ang bumagabag sa kanyang anumang suliranin
pagkat siya'y kapatid, pinakamamahal natin
pag may problema ang kasama, siya'y tinatanong
paano masagot ang anumang sa kanya'y bugtong
dahil kasama'y bibigyan siya ng payo't dunong
at tutulungan siyang sa problema'y makaahon
ang kasama'y kasama sa sakripisyo ng buhay
buhay na sa rebolusyon ay kanila nang alay
hanggang makamit yaong inaasam na tagumpay
magkasama'y magkapatid hanggang sila'y mamatay