Biyernes, Hulyo 11, 2025

Fr. Rudy Romano, desaparesido

FR. RUDY ROMANO, DESAPARESIDO

isang pari, desaparesido
pangalan: Fr. Rudy Romano
nawala, apat na dekada na
pagkat dinukot umano siya

nawala nang apatnapung taon
di pa nakikita hanggang ngayon 
hustisya para sa kanya'y hanap
kailan kaya mahahagilap?

paring kaisa ng manggagawa 
nakibaka kasama ng dukha
tinaguyod ang kanyang mithiin
para sa mahirap ang layunin 

para kay Fr. Rudy, hustisya 
sabay nating isigaw, hustisya 

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

* tulang binigkas ng makatang gala sa munting pagkilos sa harap ng CHR

Kung pesbuk man ay talaarawan

KUNG PESBUK MAN AY TALAARAWAN

hingi ko'y paumanhin sa tanan
kung pesbuk man ay talaarawan
ito ang nakita kong paraan
upang ang anumang kaganapan
ay maalala't mababalikan

daan sa pakikipag-ugnayan
sa kamag-anak at kasamahan
sa kakilala at kaibigan
sa kamakata at kababayan
sa mga kasangga't kalaban man

pawang tula yaring kakathain
at ilalathala sa pesbuk din
tula bilang gawang malikhain
pwede rin ninyong balewalain
kung ayaw n'yong tula ko'y basahin

muli, ang hingi ko'y paumanhin
kung mga tula'y bibitin-bitin
sa pesbuk, sa ere't papawirin
pagkat bawat tula'y tulay man din
sa puso't diwa ng madla natin

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

Sa kabila ng lahat

SA KABILA NG LAHAT

sa kabila ng lahat, patuloy pa ring kikilos
upang sa trapo't sistemang bulok makipagtuos

sa kabila ng lahat, patuloy pa ring kakatha
ng mga makabuluhang sanaysay, kwento't tula

sa kabila ng lahat, patuloy ang pag-aaral
di man sa eskwela ay sa pagbabasa ng aklat

sa kabila ng lahat, patuloy din sa paglinang
ng bukirin ng kaalaman sa malayong ilang

sa kabila ng lahat, patuloy ang paglalakad
bakasakaling nakatagong paksa'y magalugad

sa kabila ng lahat, patuloy na magkukwento
upang maisiwalat ang nalilingid sa mundo

sa kabila ng lahat, patuloy akong tatahak
sa mga tiwangwang upang taniman ang pinitak

sa kabila ng lahat, ako'y naririto pa rin
ganap na haharapin anumang alalahanin

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

Sa unang buwansaryo ng pagyao ng sinta

SA UNANG BUWANSARYO NG PAGYAO NG SINTA

nagiba ang lahat ng pangarap
nagiba ang dibdib sa nalasap
nagiba maging ang pangungusap
nawala ang buhay sa sang-iglap

hanggang ngayon, nagdadalamhati
sa ospital ikaw ay nasawi
alaala mo'y di mapapawi
sa puso'y laging mananatili

isang buwan na nang mawala ka
dusa't lumbay aking nadarama
hungkag na yaring buhay ko, sinta
nang sa aking piling mawala ka

katawa'y matatag, di ang dibdib
tuhod pa'y matibay, di ang isip
kinakaya ko lang, di malirip
sa puso'y lagi kang halukipkip

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

* litrato mula sa google