Biyernes, Nobyembre 7, 2008

Pag Buhay ang Tinaya

PAG BUHAY ANG TINAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Pag buhay mo ang iyong taya
Dito sa tinubuang lupa
Ang itinatanim mo'y luha
Sa mga kalaban mong linta.
Aanihin mo'y pagpapala
Sa bukas na kinakalinga
Ng buhay na iyong tinaya.

Dilang Tabak

DILANG TABAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang dila ng tao'y di tabak
Ngunit ito'y nakasusugat
Wala mang dugong pumapatak
Ito'y nag-iiwan ng pilat.
Puso'y maaaring magnaknak
Kung wika'y walang pag-iingat
Dila'y nagmimistulang tabak.

Dila ng Dalahira

DILA NG DALAHIRA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kung di mo ibig mapahiya
Salita'y ibagay sa gawa
Kundi'y buhay mo'y magigiba
Ng mga nagsasangang dila.
Pag ikaw ay nagdalahira
Ikaw ay parang isinumpa
At dapat ka lang mapahiya.

Luksang Pag-ibig

LUKSANG PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Buhay kong iwi'y nagluluksa
Sa pagmamahal na nawala
Ang mukha ko'y parang tinaga
At dugo'y sinipsip ng linta.
Sa aking iibiging mutya
Ayokong ikaw di'y mawala
At di ko na ibig magluksa.