Lunes, Mayo 28, 2012

Sinong Nagmamay-ari ng Ginto?


SINONG NAG-AARI NG GINTO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sino bang lumusong sa ilalim ng lupa
upang ginto'y hanapin, kanilang kinapa
hindi ba't sila'y yaong mga manggagawa
di mga kapitalistang nakatunganga

minero'y nagsitungo sa kailaliman
upang mahagilap ang ginto sa putikan
kanila ngang nilusong ang kapanganiban
na maaring humantong sa kapahamakan

bawat ginto'y may kumikilatis ng uri
na tiyak na kakampi niyong naghahari
minero ang nagmina, iba ang nag-ari
minerong binabarat sa dapat na salapi

mga may-ari ng ginto'y di nagmimina
proseso mula sa lupa hanggang makina
paggiling, pagkiskis, pagkono at iba pa
tanging manggagawa ang gumawang talaga

ngunit ang pinagtatakhan ng mga tao
nagmamay-ari ng ginto'y di ang minero
walang karapatan ang sinumang obrero
pagkat may-ari'y ang elitistang barbaro

iba ang nagmina, iba ang nagmay-ari
sa sistemang ganito'y obrero ang lugi
manggagawa'y dapat mag-alsa bilang uri
sa pinagpagura'y sila'ng dapat maghati

Ang Silent Spring ni Rachel Carson

ANG SILENT SPRING NI RACHEL CARSON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tahimik ang tagsibol, pestisidyo'y laganap
sinisira ang pananim at nagpapahirap
si Rachel Carson sa kanyang aklat ay nangusap
sa Silent Spring, dulot ng pestisidyo'y saklap

mula noon, agad namulat ang sambayanan
na dapat pangalagaan ang kapaligiran
umpisa na ng kilusang makakalikasan
sa Amerika'y nagsikilos ang taumbayan

natamaang kaytindi ang mga korporasyon
ng industriyang kemikal sa kanilang hamon
inspirasyon ng taumbayan si Rachel Carson
sa usaping kalikasan ay nagrebolusyon

at malawak na kilusan nag-umpisa rito
hanggang lumaganap sa kamalayan ng tao
na dapat kalikasan ay alagaan ninyo
para sa bukas at buhay ng kayraming tao

27 Mayo 2012, kasabay ng ika-105 kaarawan ni Rachel Carson