magsasaka'y iyo ring isipin
kapag kumakain ka ng kanin
silang mga nagsaka't nagtanim
hanggang sa ang palay ay anihin
upang ang bayan ay may makain
isipin ang humukay ng balon
kapag tubig ay iyong ininom
manggagawa'y kayganda ng layon
upang magkatubig itong nayon
at lunasan ang uhaw at gutom
isipin mo rin ang mangingisda
kapag iyong inulam ay isda
lagi sa laot, hindi sa lupa
minsan nakatira na sa bangka
kahit daanan sila ng sigwa
isipin mo rin ang magtutubó
kapag asukal ay ginamit mo
sa kape o matamis na bao
nagtanim at nag-ani ng tubó
nang malasap ang tamis na puro
isipin mo rin ang mananahi
suot natin ay sila ang sanhi
baro man ng pulubi o hari
sinulsi ma'y marami't kaunti
gawain nila'y kapuri-puri
isipin mo rin ang manininda
lalo't naglalako sa bangketa
marangal ang hanapbuhay nila
kaunti man yaong kinikita
basta't di magutom ang pamilya
- gregbituinjr.