Martes, Marso 5, 2024

Sa kaarawan ni Cherpin, edad 7

SA KAARAWAN NI CHERPIN, EDAD 7

flash card ng mga bayani at isang aklat
ang regalo sa may kaarawang pamangkin
namin ni misis, pitong taon na ang edad
bata pa subalit may talino nang angkin

sa paaralan baka sa kanya'y itanong
mga bayani ba natin ay sino-sino?
nagkarerahan sina kuneho at pagong
nagwagi si pagong, bakit kuneho't talo?

makabuluhang regalo'y aming inalay
sa pamangking nagdiriwang ng kaarawan
bagamat munti man ang aming nabigay
dito'y marami na siyang matututunan

bagamat edad pa lang niya'y pitong taon
mga bayani'y magandang ipakilala
sa pabula ay mabatid ano ang leksyon
at maging gawi na niya ang pagbabasa

- gregoriovbituinjr.
03.05.2024

Surot

SUROT

"Inatake ng mga surot ang ilang pasahero na nakaupo sa mga silya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 at 3. Nag-viral sa social media ang dinanas ng mga biktima na nagkaroon ng naglalakihang pantal." ~ mula sa balitang "Surot umatake sa NAIA, nag-viral sa social media", pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 1, 2024, pahina 8.

i

O, surot, kayrami n'yo muling nabiktima
sa sinehan ko kayo unang nakilala
kaya pagpuntang sinehan ay naghindi na
ngayon, sa paliparan kayo naglipana

sa saliksik, sinlaki lang kayo ng buto
ng mansanas na hilig ay dugo ng tao
sa drakula o aswang ba nagmana kayo?
kaming tao ba'y nang-aabala sa inyo?

dapat may gawin sa inyo ang pamunuan
ng NAIA, linisin ang mga upuan
idisimpekta ang inyong pinamahayan
at tuluyang matukoy ang pinanggalingan

ii

ang ganitong problema'y nakatitigagal
grabe pag may surot sa pinuntahang lugar
mababatid lang pag ikaw ay nagkapantal
baka dalhin mo pag eroplano'y umandar

- gregoriovbituinjr.
03.05.2024

Pagtitig sa kisame

PAGTITIG SA KISAME

minsan, nagninilay pa rin sa hatinggabi
naroroong nakatingala sa kisame
mata'y mulat na sa isip may sinasabi
nakatitig sa kawalan, anong mensahe

marahil ay naghihintay pa rin ng antok
di makatulog, nangangagat pa ang lamok
kanina lamang sa pagkilos ay kalahok
na sigaw ay ibagsak ang sistemang bulok

ano bang meron sa kisame kundi agiw
o marahil hindi, may larawan ng giliw
at naiisip ang pagsintang walang maliw
tulad ng makatang sa mutya'y nababaliw

minsan, kisame ang kasangga sa umaga
doon ibinubulong ang mga problema
doon kinakatha ang mga nakikita
hanggang susing kataga'y ibunyag ng musa

- gregoriovbituinjr.
03.05.2024