Lunes, Nobyembre 18, 2019

Kataksilan sa bayan

aba'y maituturing nang kataksilan sa bayan
ang gawin pang bayani ang diktador na gahaman
mga aktibista'y dinukot, tinortyur, sinaktan,
pinaslang, gayong ipinaglaban ang karapatan
kayraming winala noong kanyang panunungkulan

at ngayon, diktador pa'y itinuring na bayani
gayong siya sa karapatang pantao'y nameste
siyang kasangga ang mga kapitalistang kroni
siyang nagpayaman sa poder bilang presidente
bilyon-bilyon ang sa kaban ng bayan diniskarte

di bayani ang diktador, libingan ay hukayin
ang puntod ng halimaw ay dapat lang distrungkahin
ang kasaysayan ay pinipilit nilang baguhin
di bayani ang diktador sa kasaysayan natin
kaya ating sigaw: "Hukayin! Hukayin! Hukayin!"

- gregbituinjr.
* pang-apat na tulang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idinaos sa Boy Scout Circle

Nakaw na libing

di bayani ang diktador, iyo bang natatalos
nang inilibing ang mula sa pamilya dorobos
nagnakaw sa kaban ng bayan, dumami ang kapos
dumami ang kroni, dumami rin ang binusabos
mismong likod ng bayan ay pataksil na inulos
ang kataksilan sa masa'y balaraw na tumagos

lumabas sa lansangan pati matatandang tibak
paano naging bayani, paduguin ang utak
maraming winala, pinaslang, mga pinahamak
at ngayon nga'y dignidad pa ng bayan ang yinurak
nakaw na libing, sa likod ng bayan ay tumarak
nakaw na libing ng magnanakaw na ibinagsak

- gregbituinjr.
* pangatlong tulang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idinaos sa Boy Scout Circle

Hukayin ang diktador

Hukayin ang diktador sa Libingan ng Bayani
Upasala sa kasaysayan, ang masa ang saksi
Kinamatayan na ng aktibistang anong dami
Ang hustisyang hinahanap lalo ng mga api
Yinanig ang bansa nang diktador ay inilibing
Ito'y paraang panakaw, kaya masa'y nagising
Nobyembre disiotso'y petsang nagbadya ang lagim
Hustisyang hinahanap ay nagtago na sa dilim
Umuwing nagngingitngit ang mga nakikibaka
Kayraming biktima ng martial law, masa't pamilya
At ngayon, diktador na di bayani'y bayani na
Yaong sigaw nila'y "Hukayin!" para sa hustisya
Isang pagsalaula na iyon sa kasaysayan
Na dapat lang baligtarin ng mismong sambayanan

- gregbituinjr.
* pangalawang tulang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idinaos sa Boy Scout Circle
* nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2019, p. 20

Nobyembre disiotso'y huwag nating kalimutan

Nobyembre disiotso'y huwag nating kalimutan
sa petsang ito'y sinalaula ang kasaysayan
pagkat ang diktador ay inilibing sa Libingan
ng mga Bayani, gayong walang kadakilaan

di naman kabayanihan ang gawang diktadura
kundi pawang pananakot at ligalig sa masa
ngunit kayrami'y namatay, nawalan ng hustisya
dinukot, sinaktan, pinaslang, nangawala sial

inilibing ang diktador nang magdesisyon ang Korte
Supremang doon sa Libingan ng mga Bayani
ay dapat lang mailibing ang dating Presidente
gayong para sa madla, mali iyon, di puwede

Nobyembre disiotso, kayrami nang nagprotesta
di makatarungan ang desisyon para sa masa
hanggang ngayon, masa'y nananawagan ng hustisya:
"Hukayin! Hukayin!" sigaw ng masa'y "Hukayin na!"

- gregbituinjr.
* Unang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idinaos sa Boy Scout Circle
* Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2019, p. 20