Martes, Pebrero 3, 2015

Republikang Trapo

REPUBLIKANG TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Republika baga itong busabos tayo ng trapo?
Ang tingin sa tanikala'y uliran ng pagbabago?

Kasarinlan baga itong ang trapo ang naghahari
Habang inaapi naman ang hindi nila kauri

Ang buhay ng dukha'y laging naroroon sa hilahil
Mga ibinotong trapo sa bayan ay nagtataksil.

Kalayaan! Republika! Naghahari'y dinastiya!
Kalayaan lamang ito sa naghaharing burgesya

Pagmasdan mo't dinastiya'y naglipana sa gobyerno
Bayan ba'y may napapala sa paghahari ng trapo

Namamahala sa tao'y bakit iisang pamilya
Ganito ang nangyayari sa iba’t ibang probinsya

Ang tatay ay kongresista, ang anak niya'y senador
Asawa'y siyang alkalde, kapatid ay gobernador

Kada eleksyon na lamang ay wala nang pagbabago
Kilalang apelyido lang ang lagi nang nananalo

Wala kasing pagpilian pag dumatal ang halalan
Pulos kasi mayayaman ang nagsisipagtakbuhan

Ang dukha ba dahil dukha'y di maaaring tumakbo
May puso sa paglilingkod, wala ba silang talino

Ang mga trapong may pera, dahil ba nakapag-aral
Dadalhin na tayo nito sa kaunlarang pedestal

Ngunit hindi, dukha pa rin iyang mga mahihirap
Pangarap nilang pag-ahon, nananatiling pangarap

Subalit laging pangako ng trapo pag kampanyahan
Iboto sila'y aahon ang dukha sa kahirapan

Pag-ahon na ba sa hirap kung di binayarang tama
Ang pinagpagurang sahod nitong mga manggagawa

Pag-ahon na ba sa hirap kung ang dukha'y tinataboy
Winawasak ang tahanan, dukha'y nagiging palaboy

Pag-ahon na ba sa hirap kung pamasahe't bilihin
Ay patuloy sa pagtaas, lalo't presyo ng pagkain

Pag-ahon na ba sa hirap ang mahal na edukasyon
Bata pa'y manggagawa na, walang aral, walang baon

Ngunit trapo'y naroroon, sa masa'y ngingiti-ngiti
Lalo't apelyido nila't pamilya'y nabotong muli

Kung trapo ang pinagpala, tao ba'y may napapala
Ang trapo'y tusong kuhila, serbisyo'y di ginagawa

Ngunit tao'y malaya daw, depensa ng mga trapo
Paglayang iyan ay iyo, bahala ka sa buhay mo

Ngunit paglaya ba yaong wala kang pagpipilian
Iboboto'y mga hangal, kandidatong mayayaman

Sa kasaysayan ng bansa, ang masa'y anong napala
Karukhaan ba'y naibsan, ano't kayrami pang dukha

Pagdating ng kampanyahan, trapo'y kayraming pangako
Sa hirap, ang mga dukha'y kanila raw mahahango

Parating ganito na lang, ganito bawat eleksyon
Pangako'y pinako't dukha'y sa dusa ibinabaon

Pag-aralan ang lipunan, bakit trapo'y nahahalal
Dukha'y naghihirap pa rin, at naghahari'y kapital

Kunwari tayo'y malaya sa halalan ng burgesya
Pinipili'y ang papalit, bagong magsasamantala

Kung ganito ang sistema, masa'y walang pakinabang
Republikang trapo'y bulok kaya't dapat nang palitan

Kaya manggagawa, kayong sa lipunan bumubuhay
Magkaisa pagkat kayo'y may lakas na tinataglay

Ang maso'y inyong hawakan, doon sa trapo'y ipukpok
Durugin ang tanikala, lalo ang sistemang bulok

Halina't ating wakasan itong republikang trapo
At sama-samang itayo ang lipunang makatao.