Huwebes, Oktubre 9, 2008

Paano namin na-plat noon ang tansan

PAANO NAMIN NA-PLAT NOON ANG TANSAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bata pa kami'y delikado ang ginawa namin
yaong magpasagasa ng tansan sa riles ng tren
sabi ni Ate, ang nakatatanda kong kapatid
sa sanaysay kong sa mga paliwanag ay tipid

nais kasi naming magkakababata ang lumikha
ng pampatunog upang sa Pasko kami'y matuwa
mangangaroling kaming yaong tansan ang pampatunog
na parang marakas pag umawit kami't tumugtog

noon kasi'y nangolekta kami ng mga tansan
pinipitpit iyon upang maging plat ngang tuluyan
ngunit baku-bako nang pinukpok namin ng martilyo
may naisip na paraan subalit delikado

ang mga tansang pinipitpit namin upang maging plat
sa riles ng tren ay agad pinagpapatong lahat
at inabangan namin ang tren sa kanyang pagdating
maya-maya'y humuhudyat na at dumating ang tren

nang ito'y makalampas ay isa-isang kinuha
ang mga tansang na-plat, at umuwi ang barkada
at binutasan namin ito ng pako sa gitna
tinuhog ng alambre, ang pampatugtog na'y handa

bagamat masayang may gamit na sa pangaroling
katutubong marakas na itong tumataginting
ginawa namin ay huwag tutularan ng bata
mag-ingat at baka madisgrasya, sila'y kawawa