TUYO NA BA ANG UTAK KO'T WALANG MAISIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
tuyo na ba ang utak ko't walang maisip
di na maisulat ang nasa panaginip
talinghaga'y lumipad di na halukipkip
mabuti kaya'y balikan ko sa pag-idlip
mutyang apoy ba'y pagagapangin sa lusak
hanggang sa magdugo na itong aking utak
rumaragasa man ang mga hinayupak
natatanto pa naman ang mali sa tumpak
saranggolang papel akong pumaimbulog
pluma'y hawak kong nangangarap anong tayog
hanggang katawan ko'y sumakit, nabubugbog
mga pasa'y nangingitim, kayraming lamog
hanggang madama ko ang musang anong rikit
naroong umiindak sa gabing pusikit
sa isipan ko'y kanyang tanong: Bakit? Bakit?
may kinapang kung ano't palad ko'y lumagkit