SA PAGKATHA KO NG TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
sari-sari na'y aking tinula
prinsipyo, diwa, buhay ng dukha
paglarawan ng buhay ng madla
paglaban ng uring manggagawa
may maningning, may malagim
may masaya'y nakaririmarim
tula ko'y tanglaw sa iyong dilim
sa init mo'y nagbibigay lilim
may tulang minsan iniiyakan
may tulang natatawa ka na lang
may tulang dama'y kaibuturan
may tulang wala ring katuturan
may tulang sadyang pinantututok
nanunuligsa ng nasa tuktok
nang-uupak ng sa tubo'y hayok
nambabanat sa sistemang bulok
ah, sadyang mahirap ding kumatha
minsan ang tinta'y pinababaha
sa papel ito'y pinaluluha
hanggang agos ng diwa'y humupa
tula'y pinagagapang sa lusak
haraya'y gulok na nakatarak
bawat taludtod ay nagnanaknak
hanggang diwa'y tuluyang manganak