Lunes, Abril 26, 2021

Pag-alagata

naroroong nakatalungko't inaalagata
ang ilang alalahaning halos di matingkala
maraming isyu't usaping di agad maunawa
na tumatarak sa puso't may mga talusira

ibig sabihin, may mga balimbing sa tag-araw
na sa likod ay handa kang tarakan ng balaraw
parang talupaya silang kunwa'y di gumagalaw
tila kayrami mong parusang sila ang nagpataw

sino nga bang tunay na kaibigan o kasangga
upang sama-samang malutas ang mga problema
marahil ay wala, kaya dapat lamang magdiskarga
ng anumang pasan sa puso't balikat tuwina

naglutangan ang plastik at upos sa karagatan
ngunit walang magawa ang mga pamalaan
habang nagdaraan ang ulan at hanging amihan
may mga nananaghoy pa rin sa dakong silangan

tingnan ang balimbing na gaya ng taksil na trapo
pakuya-kuyakoy lang sa harap man ng delubyo
kahit nagkalat na ang mga sapal at bagaso
naroong di matinag ang pagkatao't prinsipyo

- gregoriovbituinjr.

Lakarin ma'y kilo-kilometro


LAKARIN MA'Y KILO-KILOMETRO

balita nga'y kilo-kilometro ang nilalakad
ng maraming taong, kundi gutom, ay sawimpalad
nawalan ng trabaho at lockdown sa komunidad
kaunting pangkain ng pamilya ang tanging hangad

pipila sa community pantry maaga pa lang
bakasakaling ang pamilya'y may maiuulam
wala na raw kasing ayuda ang pamahalaan
kaya community pantry na ang inaasahan

maraming nagbibigay, mas maraming kumukuha
dahil tunay na kayraming nagugutom na masa
lalo na't manggagawa'y natanggal na sa pabrika
nawalan pa ng tahanan sa gitna ng pandemya

kaya biyaya ang community pantry sa tao
magbigay ka, kumuha ng sapat para sa inyo
pagbibigayan at pagdadamayan ang konsepto
na batid nila, lakarin ma'y kilo-kilometro

- gregoriovbituinjr.

Mutual aid, di limos, ang community pantry

MUTUAL AID, DI LIMOS, ANG COMMUNITY PANTRY

ito'y hindi limos, kundi pag-agapay sa kapwa
hindi rin kawanggawa kundi kabutihang gawa
tulungan, bigayan, ambagan, damayan ang diwa
hindi charity, kundi mutual aid, ang siyang tama

iyan ang paglalarawan sa community pantry
damayan ng bawat isa, di limos, di charity
salamat kung naipaliwanag itong mabuti
upang hindi i-redtag ng mga loko't salbahe

prinsipyo dito'y magbigay ayon sa kakayahan
at kumuha lang ayon sa iyong pangangailangan
sa bawat araw at kapwa'y iisipin din naman
na siyang patnubay natin sa pagbabayanihan

di ba't kaygandang konsepto ng community pantry
na sa panahong ito'y nagdamayan ang marami

- gregoriovbituinjr.

* Balita mula sa: https://newsinfo.inquirer.net/1420463/community-pantry-not-charity-but-mutual-aid

Huwag maging palabusakit

HUWAG MAGING PALABUSAKIT

sa tungkulin nati'y huwag maging palabusakit
na sa inumpisahang mulat ay biglang pipikit
tila ba kinabukasan ay ipinagkakait
kapara'y ningas-kugon na gawaing walang bait

kapit lang sa inumpisahan at pakatutukan
ang inyong napagplanuhan at napagkaisahan
kaya ba hindi magawa'y wala pang pondo iyan
pondo'y paano pinlano nang umusad naman

huwag maging palabusakit, huwag ningas-kugon
sa mga plano'y tiyaking isip ay nakatuon
anong kalakasan o kahinaan ninyo ngayon
sinong dapat magpatupad, sinong kikilos doon

sayang lahat ng napag-usapan, plano't gawain
kung pagiging palabusakit ang paiiralin

- gregoriovbituinjr.

* palabusakit -[Sinaunang Tagalog] paggawa sa simula lamang, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 889

Magkatunog kasi

MAGKATUNOG KASI

pakinggan mo, magkatunog kasi
sabihin mo: Community Pantry
ang dinig niya: Communist Party
kaya ni-redtag na ng salbahe

baka di attentive sa trabaho
lumabas ang kabugukan dito
binulong sa kanya ng demonyo
parang mansanas ni Eba ito

tigilan nyo na ang pangre-redtag
aba'y community pantry iyan
pagbabayanihan ang nilatag
tulungan, damayang di matinag

community pantry, di ba, Patreng
at hindi communist party, dingging
mabuti, kapag ating sabihin
sige nga, subukan mong ulitin

Maginhawa community pantry
di Maginhawa communist party
maliwanag naman pag sinabi
kaya huwag i-redtag si Ate

baka naman tadtad ng tutuli
iba ang narinig ng salbahe
ulitin nga: COMMUNITY PANTRY
malinaw, hindi communist party

- gregoriovbituinjr.