Martes, Abril 1, 2025

Nasisilaw sa ilaw

NASISILAW SA ILAW

nagtakip si alaga ng kamay
habang natutulog ng mahimbing
marahil nasisilaw sa ilaw
kaya kamay ay ipinantabing

mamaya, ako'y matutulog din
at ang ilaw ay io-off ko lang
isasara lang, di papatayin
mahirap ang salita ng tokhang

buti tulog ngayon si alaga
pagkat gabi ang kanyang trabaho
hanggang madaling araw gising nga
upang daga'y hulihing totoo

- gregoriovbituinjr.
04.01.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1LAWQbT1c8/ 

Ang uod ay isang paruparo

ANG UOD AY ISANG PARUPARO

And just what the caterpillar thought her life was over, she began to fly. ~ Chuang Tzu

kaygandang talinghaga'y nabatid
na magandang payo sa sinumang
nahihirapan at nabubulid
sa dusang tila di makayanan

sino kaya ang nagsabi niyon
ng talinghagang tagos sa puso
si Chuang Tzu nang unang panahon
at isa sa Taoismo'y nagtayo

akala ng uod mamamatay
siya paglabas sa nakabalot
sa katawan, at nang magkamalay
ay naging paruparo ang uod

nakalipad na patungong langit
sa mga kampupot bumababa
noon ay laging minamaliit
ngayon kayganda, kamangha-mangha

tulad din ng ating suliranin
na animo'y di na malulutas
may buhay pa palang haharapin
tungo sa isang magandang bukas

- gregoriovbituinjr.
04.01.2025

* larawan mula sa google

Noli Me "Tangina"

NOLI ME "TANGINA"

si Rizal daw ang idolo ng ama
na hilig magtungayaw o magmura
inakda raw ay Noli Me "Tangina"
komiks na patama, kunwari'y kwela
sa biro, ako na lang ay natawa

iba rin talaga si Al Pedroche
na sinulat ay iba't ibang siste
nasa diwa'y gagawan ng diskarte
lalo't pasasaringan ay salbahe
isusulat anuman ang mangyari

meron bang El "Filibustanginamo"
sunod sa Noli Me "Tangina" nito
kawawa naman ang akda ni Lolo 
Pepe dahil sa biruang ganito

- gregoriovbituinjr.
04.01.2025

* tula batay sa komiks sa unang pahina ng Pilipino Star Ngayon, Marso 31, 2025

Lungad

LUNGAD

Labingtatlo Pahalang: Pagsuka ng sanggol
anim na titik, at ang lumabas na sagot:
LUNGAD, salitang ngayon ko lamang nasapol
bago lang sa akin ang katagang sumulpot

unang araw ng Abril, salita'y bumungad
madaling araw nang krosword ay masagutan
dyaryo'y kahapon pa, ngayon lamang nalantad
sa krosword ang bagong salitang kakaiba

sa wikang Ingles, infant reflux pala ito 
iba sa suka, sapagkat kusang lalabas
sa bibig yaong gatas matapos sumuso 
na karaniwan lang, ayon sa mga pantas

dagdag na salita itong magagamit din
sa pagkatha ng kwento, tula, at sanaysay
tila baga nalasap ay bagong pagkain
kaya bokabularyo'y nagiging makulay

- gregoriovbituinjr.
04.01.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Bulgar, Marso 31, 2025, pahina 11