Martes, Hunyo 7, 2011

Araw ng Pagtitiis, Araw ng Pagtutuos

ARAW NG PAGTITIIS, ARAW NG PAGTUTUOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

di lahat ng araw ay araw ng pagtitiis
pagkat darating din ang araw ng pagtutuos
ngunit sitwasyong ito bago natin matiris
kabulukan nitong sistema'y ating bang talos?

pag-aralan ang sistemang nagdulot ng amis
kaya buhay nati'y lunod sa kaytinding unos
naghahari sa sistema'y dapat nang magahis
ng sambayanang kaytagal nang binubusabos

tinutubo sa lakas-paggawa'y labis-labis
ngunit buhay ng manggagawa'y kalunos-lunos
gayong kitang-kita ang kaunlarang kaybilis
ngunit kaunlarang kayrami pa rin ang kapos

kaunlaran sa daigdig ay walang kaparis
kaya nang pakainin ngayon ang lahat halos
sa karukhaang danas, ikaw na'y maiinis
ginigisa ka sa mantika't balat mo'y lapnos

imbes lumusog, mamamayan ay umiimpis
habang iilan, kapitalismo'y yapos-yapos
nais nilang karapatan natin ay manipis
na pinananatili nitong burgesyang bastos

manggagawa't sosyalista'y dapat nang magbigkis
dahil ang pagbabago'y nasa ating pagkilos
tapusin na natin ang araw ng pagtitiis
at paghandaan na ang araw ng pagtutuos