Sabado, Hunyo 28, 2025

Kayraming talbos sa likodbahay

KAYRAMING TALBOS SA LIKODBAHAY

dumaan muna ng bahay sa La Trinidad
na pitong kilometro lang mula sa Baguio
doon na muna nagpalipas ng magdamag
pagkat sa biyahe'y kaytindi nga ng bagyo

dumating kagabi, at dito na natulog
at ngayong umaga'y maaga nang gumising
sa likodbahay ay kaylalago ng talbos
ng kamote, pang-almusal na uulamin

mamaya kami maglalakbay pa-Maynila
kasamang bibiyahe'y mga kamag-anak
ni misis, at nagnilay matapos lumuha
ng tahimik habang ako na'y nakagayak

kayraming talbos sa likodbahay na iyon
buti kaya'y mamitas at magdala niyon

- gregoriovbituinjr.
06.28.2025

Balakin

BALAKIN

magpasa ng bukrebyu at sanaysay
sa publikasyon tulad ng Liwayway 
sa pagsusulat ay magpakahusay
kwento, pabula, tula'y gawing tulay
katha ng katha, kathang walang humpay

ituloy ang gawaing pagsasalin 
ituloy din ang yakap na tungkulin
ituloy kung may proyektong nabinbin
ituloy na bayaran ang bayarin
ituloy ang pantibak na gawain

naririto akong abang makata 
upang kumatha ng nobela't tula
Liwayway, Taliba ng Maralita
mga isyu ng manggagawa't dukha
kaharap man ay sangkaterbang sigwa

- gregoriovbituinjr.
06.28.2025

Pagtula

PAGTULA

tula ang tugon ko sa depresyon
kung di na makatula paglaon
baka ako na'y dinaklot niyon
at paano na makababangon

tula ng tula, anumang paksa
sa paligid, isyu man ng madla
tula ng tula, tula ng tula
ang gagawin ng abang makata

depresyon nang mawala si misis
luha ko'y bumabalong na batis
durog na puso na'y nagtitiis
sa pagkagupiling ba'y lalabis?

buti't may pagtula akong sining
diwa'y kumakatha kahit himbing
isusulat na lang pag nagising
ang liyab at kirot ng damdamin

- gregoriovbituinjr.
06.28.2025