Linggo, Mayo 2, 2021

Halimaw

sinusumbatan ng budhi ang sangkaterbang aswang
di na nila kaya ang palagiang pamamaslang
gayong sa kanila'y inatas ng ama ng tokhang
wastong proseso't karapatan ay di na ginalang

bakit naglalaway sa dugo ang mga berdugo
at bakit sila tuwang-tuwang pumaslang ng tao
sadyang binabalewala na ang due process of law
pati karapatang pantao'y tinatarantado

at nangagsiluha ang mga nagdurusang ina
habang ulit-ulit isinisigaw ang hustisya!
ang mga berdugo'y katatakutan mo talaga
pagkat walang muwang ang katarungan sa kanila

basta inatas ng ama ng tokhang ay gagawin
pag sinabing papatayin, kanilang papatayin
ginawa na silang halimaw ng utak-salarin
nilikha na silang halimaw ng pangulong praning

walang galang sa karapatan at due process of law
kahit pinag-aralan ang karapatang pantao
nilikhang halimaw na katatakutang totoo
kahit illegal order ay susundin ang pangulo

nawa biktima'y kamtin ang asam na katarungan
mapanagot ang utak at mga may kagagawan
at di na dapat manatili pa sa katungkulan
ang pinunong nag-atas ng maraming kamatayan

- gregoriovbituinjr.

Katatakutan

nagmumulto ang mga nilalang
ang nadama ng mga magulang
di nila alam saan nagkulang
lalo't inosente ang pinaslang

madalas akong magbasang sadya
ng mga katatakutang akda
kaya minsan ay laging tulala
pati guniguni'y lumuluha

sa karimlan sumabog ang lagim
nanokhang ang alagad ng dilim
mga gawang karima-rimarim
amoy asupre ang nasisimsim

masdam mo ang malamig na bungkay
na sa dugo'y lumutang na tunay
pagkatao nila ang niluray
ng mga aswang na pumapatay

sagad sa buto ang inhustisya
at di matahimik ang pamilya
habang pangulo'y tatawa-tawa
pag may katawang itinutumba

naglalaway sa sugo ang aswang
pagkat maya't maya'y pumapaslang
lalo't atas ng ama ng tokhang 
kaya sinunod ng mga bu-ang

inhustisya'y nakapanginginig
ramdam iyon sa gabing malamig
sa salarin ay sinong lulupig
kung walang sinumang mang-uusig

- gregoriovbituinjr.

Kung walang manggagawa

kung walang manggagawa, walang natayong gusali
at wala ring trono at palasyo para sa hari
walang ring kaunlaran silang ipagkakapuri
at wala ring luklukan ang mga payaso't pari

kung walang manggagawa, wala tayong mga bahay
wala ring mahahabang lansangan at mga tulay
dahil sa kanila kaya may kaunlarang tunay
lalo't buong daigdig ang kanilang binubuhay

subalit kayliit ng natatanggap nilang sweldo
sapat lang upang makabalik sila sa trabaho
at karampot din kung may madadagdag sa umento
ang kontraktwalisasyon pa'y pasakit sa obrero

karapatan nila'y nakasaad sa Konstitusyon
karapatang makipagtawaran at magkaunyon
sa usapan, dalawang panig ay dapat sang-ayon
kung hindi man, karapatang magwelga'y isang opsyon

subalit welga'y huling opsyon lang ng manggagawa
upang kalagayan sa pabrika ay maitama
silang nagpapaunlad ng ekonomya ng bansa
at nagpapabundat sa kapitalistang kuhila

karapatan ng manggagawa'y dapat ipaglaban
upang pagsasamantala'y mawala nang tuluyan
sila'y dapat magkapitbisig, tahakin ang daan
upang itayo ang isang makataong lipunan

salamat, manggagawa, taos-pusong pagpupugay
sapagkat buong lipunan ang inyong binubuhay
walang kaunlarang di dumaan sa inyong kamay
nagningning ang mga lungsod sa inyong pagsisikhay

- gregoriovbituinjr.

Alisin at panagutin ang palpak



ALISIN AT PANAGUTIN ANG PALPAK

kapalpakan ng pinuno'y tagos sa sambayanan
pinunong inutil at palpak ang dama ng bayan
alisin at panagutin sa mga kasalanan
sa bayan sapagkat patulog-tulog sa pansitan

sa likod ng taumbayan ay parang may balaraw
tila tinarak ng palpak na pinunong halimaw
alisin, panagutin ang inutil, yaong hiyaw
ng masa, at kami'y sang-ayon sa kanilang sigaw

dapat lang namang patalsikin ang ama ng tokhang
na dahil sa kanyang atas, kayrami nang pinaslang
na inosente ang awtoridad na pusong halang
na nilikhang maging halimaw ng pangulong bu-ang

mabuhay kayong nananawagang patalsikin na
ang rehimen at dapat nang baguhin ang sistema
na ibig sabihin, mapagmahal kayo sa kapwa
at kinabukasan ng bayan ay inaalala

sa mga nakikibaka, salamat at mabuhay
sapagkat may pusong puno ng kabutihang taglay
lipunang makatao'y nais maitayong tunay
kaya kami rito'y taas-kamaong nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagdiriwang ng Mayo Uno 2021

Isa pang tula sa Mayo Uno 2021

ISA PANG TULA SA MAYO UNO 2021

mabuhay ang uring manggagawa
tunay na hukbong mapagpalaya
binubuhay ang maraming bansa
manggagawang kasangga ng madla

nagsama-sama ng Mayo Uno
upang kalampagin ang gobyerno
nagkakapitbisig ang obrero
sa maraming sektor na narito

habang ako'y nakilahok pa rin
taun-taon dahil sa layunin
na buong uri'y pagkaisahin
at bulok na sistema'y baguhin

kapag Mayo Uno'y sumapit na
'renewal of vow" ang nadarama
katapatan sa prinsipyo't masa
sa puso'y tumatagos pagdaka

manggagawa sa buong daigdig
ay talagang nagkakapitbisig
upang kapitalista'y mausig
upang tusong burgesya'y malupig

patalsikin ang lider na bugok
ang masa'y di na siya malunok
sinong dapat ilagay sa tuktok
lider-manggagawa ang iluklok

ito ang hiling namin at sigaw
na sa bansa'y umaalingawngaw
asam naming dumating ang araw
na bagong sistema ang lilitaw

na pagsisikapan ng obrero
na palitan ang kapitalismo
at isang lipunang makatao
ang maitayo sa buong mundo

- gregoriovbituinjr.

Kagutuman sa gitna ng pandemya

KAGUTUMAN SA GITNA NG PANDEMYA

gutom ang nararanasan sa gitna ng pandemya
na ayon sa survey ay anim sa sampung pamilya
anong tindi ng datos, may maaasahan pa ba
sa gobyernong di na makapagbigay ng ayuda?

kayrami ng nawalan ng trabaho sa pabrika
marami na ring mga nagsasarahang kumpanya
mga dyipney drayber ay di na makapamasada
dahil minibus na'y ipinapalit sa kanila

mabuti nga't nagsulputan ang community pantry
anang pangulo'y inorganisa ng ignorante
pulos ngawa't kung anu-ano pa ang sinasabi
katibayan ng kapalpakan ng gobyernong imbi

dahil sa community pantry, nagbabayanihan
ang taumbayan maibsan lamang ang kagutuman
bagamat ito'y pansamantalang katugunan lang
habang wala pang magawa ang rehimeng hukluban

sa mga community pantry, maraming salamat
dahil sa inyo, maraming tao ang namumulat
bayanihan dahil sa problemang nagdudumilat
na tindi ng kagutuman ang isinisiwalat

sa nagtayo ng community pantry, pagpupugay
pagkat sa kapwa kababayan, kayo'y dumadamay
taospusong pasasalamat ang sa inyo'y alay
talagang sa bayan nagsilbi, mabuhay! mabuhay!

- gregoriovbituinjr.