Biyernes, Setyembre 8, 2023

Mag-ingat sa mapagsamantala!

MAG-INGAT SA MAPAGSAMANTALA!

mag-ingat lagi, bilin ni nanay
sa may trabaho niyang panganay
at baka buwitre'y sumalakay
iniingatang puri'y maluray

karima-rimarim na balita
isang pasahero'y ginahasa
ng rider, sinamantalang sadya
ang babaeng lasing, nanghihina

imbes na ihatid sa tahanan
sa motel dinala ng haragan
ang babaeng di na naingatan
ang puri dahil sa kalasingan

sa gimik nanggaling ang babae
ng madaling araw sa Malate
kaya ingat lagi, mga Ate
at baka malapang ng buwitre

hanap ng babae ay hustisya
sana ito'y kanyang makamtan pa
ito'y malaking aral sa iba
pag-iingat, isipin tuwina

- gregoriovbituinjr.
09.08.2023

* "Babaeng pasahero, ni-rape ng rider", ulat mula sa Pilipino Star Ngayon, Setyembre 8, 2023, pahina 1 at 6

Ilitaw sina Jonila at Jhed!

ILITAW SINA JONILA AT JHED!

isa na namang balitang sadyang nakalulungkot
dalawang environmental activists ang dinukot
bakit nangyayari ang ganito? nakatatakot!
dahil ba tinutuwid nila ang mga baluktot?

nais ay makataong pagtrato sa kalikasan
na tutok ay isyung Manila Bay at karagatan
pati mga reklamasyong apektado ang bayan
subalit sila'y iwinala sa Orion, Bataan

nangyari'y huwag nating ipagsawalang-bahala
baka di iyan ang huli, o iyan ang simula?
krisis sa karapatang pantao na'y lumalala
ang pagwala sa kanila'y sadyang kasumpa-sumpa

kaybata pa nila, edad bente dos, bente uno
sadyang ginigipit na ang karapatang pantao
sinisigaw namin, sana'y mapakinggang totoo:
ilitaw sina Jonila Castro at Jhed Tamano!

- gregoriovbituinjr.
09.08.2023

* Para sa detalye, basahin ang mga kawing na:

Paglagay sa tahimik sa magulong mundo

PAGLAGAY SA TAHIMIK SA MAGULONG MUNDO

pag lumagay ka sa tahimik, ikinasal
ka na katuwang ang tangi mong minamahal
wala nang barkada, bisyo, babae't sugal
kundi sa pamilya iinog ang pag-iral

nasa tahimik, pulos trabaho't tahanan
si misis man ay lagi kang tinatalakan
sweldo'y laan na sa anak, hapag-kainan,
edukasyon, bayad-utang, kinabukasan

ngunit naiba ang paglagay sa tahimik
nang mauso ang tokhang, mata'y pinatirik
kayraming natakot, iba'y di makaimik
mahal ay biktima ng balang anong bagsik

ang mahal na asawa o anak, tinokbang!
kinatok sa tahanan, naging toktok, bangbang!
nangyari'y walang proseso, basta pinaslang!
sinong mananagot, sino ang mga aswang?

nag-iiba ang kahulugan ng salita
saanmang panaho'y nadarama sa wika
nilagay sa tahimik, pinaslang na sadya
pinatahimik ng walang kaawa-awa

- gregoriovbituinjr.
09.08.2023

Pagbabago

PAGBABAGO

"Change happens not by trying to make yourself change, but by becoming conscious of what's not working." - Shakti Gawain

pagbabago'y nagaganap, ani Shakti Gawain,
na hindi raw sarili ang susubukang baguhin
kundi malay ka anong di gumagana sa atin
para bang dapat munang piliin anong gagawin

malalim at makahulugan ang kanyang tinuran
di magbabago ang lahat pag nakatitig lamang
sa kalangitan, sa kalawakan, o sa kawalan
ang pagbabago'y di basta lalapit kaninuman

anong halimbawa, sa katulad kong nagsusulat
sa bawat akda ko ba'y marami ang namumulat
may mga isyung panlipunan bang naisiwalat
o wala pa ring nagbago't di nila nadalumat

kung nais ng pagbabago'y gawin nating mataman
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
at mula roon, kumilos upang ating makamtan
ang ninanais na pagbabagong pangkalahatan

- gregoriovbituinjr.
09.08.2023

* litrato mula sa Pilipino Star Ngayon, Setyembre 2, 2023, pahina 10