Huwebes, Enero 20, 2011

Agos sa Pisngi ng Pangungulila

AGOS SA PISNGI NG PANGUNGULILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ang luha, tulad ng daloy ng wagas na pag-ibig,
ay patuloy na aagos sa pisngi ng pangungulila,
ngunit ang mahalaga't sa puso'y nakakaantig
di man pisikal ay nagkakausap silang kapwa
ang mahalaga'y laging may komunikasyon
at walang pag-aalinlangan nang di magmaliw
ang dalawang puso sa pagsintang nilalayon
pag-ibig na mapagparaya para sa ginigiliw

Maasim man ang pakikibaka

MAASIM MAN ANG PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

maasim man ang ating pakikibaka
tamis ng tagumpay nawa'y ating kamtin
kaya halina tayo'y mag-organisa
nang makamit natin ang ating layunin

kung ang pakikibaka nati'y kaypakla
sadyang kayraming dakilang sakripisyo
kaya ibilin sa uring manggagawa
dapat nang maging pwersa ng pagbabago

sosyalismong diwa'y atin nang yakapin
manggagawa'y gawin nating inspirasyon
tagumpay ng ating adhika'y tiyakin
hanggang umabot sa pagbabagong layon

bulok na sistema'y atin nang igupo
kahit na sa sakripisyo'y punong-puno