Lunes, Pebrero 28, 2022

Tayo naman

TAYO NAMAN

sigaw natin: "Manggagawa Naman!"
ilagay natin sa panguluhan
ang ngalang Ka Leody de Guzman
sigaw ng obrero: "Tayo Naman!"

pag pinag-isipan, anong lalim
sagipin natin mula sa dilim
itong bayang inabot ng lagim
sa patayang karima-rimarim

sagipin natin ang ating nasyon
mula sa matinding pagkagumon
sa lintik na liberalisasyon,
deregulasyon, pribatisasyon

habang ating itinataguyod
ang living wage, pagtaas ng sahod
baligtad na tatsulok ang buod
ng pangarap na kalugod-lugod

tutulungan ang bata't babae
vendor, maralita, at pesante
at labanan ang mga salbahe:
ang burgesya't trapong asal-bwitre

"Tayo Naman!" na animo'y suntok
sa buwan subalit nanghihimok
palitan na ang sistemang bulok
at dukha ang ilagay sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
02.28.2022

Ating kandidato

ATING KANDIDATO

sina Ka Leody de Guzman at Ka Walden Bello
sa pagkapangulo't pagka-bise ng bansang ito
mga matatag na lider, palaban, prinsipyado
sa halalang ito'y dapat nating maipanalo

kapado nila ang mga isyu ng sambayanan
kapado rin nila ang problema ng mamamayan
salot na kontraktwalisasyon ay dapat labanan
ititigil ang pangungutang ng dayong puhunan

buwis sa yaman ng bilyonaryo'y  isasagawa
sahod ay itaas, presyo ng bilihin ibaba
itaas sa living wage ang sahod ng manggagawa
paunlarin ang buhay ng magsasaka't dalita

ilan lang iyan sa aking nabatid at nasuri
silang lipunang makatao yaong minimithi
babaligtarin ang tatsulok, walang naghahari
sila'y karapat-dapat na iboto't ipagwagi

oo, sa halalang ito, sila'y ating pambáto
silang tinapatan ang mga dinastiya't tusong trapo
kasangga ng babae, pesante, dukha't obrero
silang magaling na lider na hanap ng bayan ko

- gregoriovbituinjr.
02.28.2022

Ang bag kong pula

ANG BAG KONG PULA

bumili ako ng bag na pula
na yaong tela'y satin o seda
kaykintab ng pagkapula niya
walang tawad, dalawang daan na

sticker ay agad kong dinikit
upang makita rin kahit saglit
ng balana sa bag kong sinukbit
ang lider-obrerong aming bitbit

yaong sticker ni Ka Leody
ay tingkad sa pulang mabighani
pulang sagisag ng bayang api
kulay ng magiting na bayani

bag na ito'y binili kong sadya
upang maikampanya sa madla
ang kandidato ng manggagawa
para pagkapangulo ng bansa

- gregoriovbituinjr.
02.28.2022