Linggo, Setyembre 16, 2012

May Stewardess ang Bus


MAY STEWARDESS ANG BUS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaiba ang bus mula Bangkok hanggang Mae Sot
dalawang palapag itong aming sinakyan
malawak ang espasyo't ang supa'y malambot
at sa unang palapag ay may palikuran

maganda pa rito'y may stewardess sa bus
inaasikaso ang bawat pasahero
bibigyan ka niya ng kumot na maayos
na gamit sa matagal na biyahe ninyo

nagbibigay din ang  magandang stewardess
ng kape, tubig, yakult, at may tinapay pa
kaysarap bumiyahe ng maraming beses
kung ganitong inaasikaso ka nila

 may stewardess ang bus, parang eroplano
tila ba diwata't kaygandang inspirasyon
ngiti'y kaytamis, problema'y lilimutin mo
hintay, huwag muna't mayroon kaming misyon

habang naglalakbay kami ng walong oras
may taga-Imigrasyong sumampa pa sa bus
pasaporte't ID'y tiningnan, mababakas
sa kanya ang paggampan ng tungkuling taos

pagdatal namin sa Mae Sot, kinuhang muli
ng stewardess ang binalabal na kumot
pag-asikaso niya, ganti nami'y ngiti
pagkat maginhawa ang pagdatal sa Mae Sot

- sinimulan sa bus mula Bangkok, gabi ng Setyembre 15, 2012, at tinapos ng madaling araw pagdatal sa Mae Sot, Setyembre 16, 2012

Ang Kalayaan ay Buhay


ANG KALAYAAN AY BUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bawat isa'y hangad ay buhay na payapa
may kinakain bawat araw at malaya
ang gobyerno'y may mabuting pamamahala
iginagalang ang karapatan ng madla
ang ganitong buhay ay kaygandang adhika

kalayaan ay buhay, dapat ipaglaban
pagkat paglaya'y taal nating karapatan
bayan nga nati'y may matinding kasaysayan
na dapat maibahagi sa ibang bayan
bilang tanda ng ating pagkakapatiran

- nilikha sa Murchit Bus Station, Bangkok, Setyembre 15, 2012

Pananabik


PANANABIK

ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod


sa lakbaying ito’y ano kayang daratnan
nasa Bangkok na’y di ko pa rin maramdaman
patungo pa sa Mae Sot na di ko kilala
at makikipag-ugnayan sa  taga-Burma
sa kanila’y makikipagpalitang-kuro
sa isa’t isa’y kapwa kami matututo
ihanda ang isip pati na yaong loob
sa pakikibaka’y sanay nama’t marubdob
may mapapala kaya sa lakbaying ito
meron, tiyak ko, kaya nga kami narito
anumang matutunan dito’t mapapala
nawa’y makatulong sa kanilang paglaya

- nilikha sa Murchit Bus Station, Bangkok, Setyembre 15, 2012

Mabuhay ka, IID!


MABUHAY KA, IID!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mabuhay ka, IID, sa bawat pakikibaka
upang kamtin ang kapayapaan at demokrasya
kaytagal na nating magkakilala’t magkasama
mula Apcet, Duyog Mindanao at kampanyang Burma
isang taas-kamaong pagpupugay, mabuhay ka

- eroplanong PR 730, Setyembre 15, 2012

Salamat sa Pagkakataon

SALAMAT SA PAGKAKATAON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

O, maraming salamat sa pagkakataon
na ibinigay ng Free Burma Coalition
isang grupo sa Pilipinas hanggang ngayon
upang Burma'y tulungang lumaya't bumangon

Sa hangganan ng Burma't Thailand ay tutungo
kaming apat na tibak sana'y di mabigo
anong daratnan namin sa malayong dako
kapayapaan ba o digmaang madugo

Kalayaan, freedom, independence, libertad
Burmes, Pinoy, ibang lahi'y ito ang hangad
kaya salamat muli sa oportunidad
at sa dako ngang ito ng mundo'y napadpad

Ang makibahagi sa magandang layunin
ay isang karanasang bihirang maangkin
kaya anumang dapat ay aming gagawin
at magtagumpay nawa kami sa hangarin

- nilikha sa  eroplanong PR 730, tinapos sa Bangkok airport, Setyembre 15, 2012

Di Ako Maglalakbay sa Kawalan


DI AKO MAGLALAKBAY SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maglalakbay akong muli't kapayapaan
ang nasa't layunin para sa mamamayan
di lang ng bayan kundi ng ibang bansa man
lalo't yaong nagnanais ng kalayaan

Pilipino ka man o kaya'y taga-Burma
isa ka mang Thai o anuman ang lahi pa
sa kapayapaan, halina't magkaisa
budhi mo, budhi ko, budhi nila'y iisa

kaya di ako maglalakbay sa kawalan
nakatingala man ako sa kalangitan
o naglalakad ng mahaba sa lansangan
pagkat sa puso't diwa'y layunin ang laman

apat kaming dala'y magandang adhikain
sa mga ibang lahing dapat palayain
ang makibahagi sa laban nila'y aming
paraan ng pakikiisa ng layunin

- sinimulan sa Naia Terminal 2, tinapos sa eroplanong PR 730 patungong Bangkok, Setyembre 15, 2012