Miyerkules, Hunyo 9, 2021

Sa papag na kahoy

SA PAPAG NA KAHOY

wala akong tinitiklop na kulambo o banig
pagbangon sa umagang mabanas, mahalumigmig
wala ring kumot pag natulog sa papag o sahig
wala ring pakialam kung dama'y gabing kaylamig

mahalaga sa pagtulog ay mapikit ang mata
at sa gayon lamang ako nakapagpapahinga
walang borloloy tulad ng malalambot na kama
ang unan man ay aklat, may ginhawang nadarama

doon ko inaalagata ang maraming paksa
doon nakakatagpo ang diwatang minumutya
na sa panaginip ay palaging kasalamuha
kaya madalas na tulala ang abang makata

naroon lang sa papag sa bawat kong paninimdim
sa pagitan ng bukangliwayway at takipsilim
di ako papayag na basta mabulid sa dilim
upang lamunin lang ng halimaw, ng kanyang talim

sa bawat pagdurusa'y saksi ang papag na iyon
kasangga sa bawat pagsisikap ko't nilalayon
di ko na inaasahang makapaglilimayon
habang pinagmamasdan ang kislap ng dapithapon

- gregoriovbituinjr.
06.09.2021
Writers' Rights Day

Araw ng karapatan ng manunulat

ARAW NG KARAPATAN NG MANUNULAT

dalawampu't siyam na taon nang nakararaan
nang Writers' Rights Day sa Amerika'y pinasimulan
ng unyon at grupong manunulat na karapatan
ang pangunahing isyung kanilang dedepensahan

karapatang pantao ang karapatang magsulat
kalayaan nilang magpahayag at magsiwalat
karapatang halungkatin ang isyu at magmulat
taliwas man sa pamahalaan ang naisulat

ayon sa kasaysayan: ang  National Writers Union, 
ang Authors Guild, Published Authors Network, 
the Science Fiction and Fantasy Writers of America, 
Romance Writers of America, at inilunsad nila
ang dalawang oras na protesta sa Grand 
Central Terminal, kung saan nilagdaan
ang Declaration of Writers’ Economic Rights.
Dagdag pa: writers called for more timely 
and higher pay, additional pay for subsequent 
use of their work, increased copyright protection,
better treatment of writers by publishers. 

ang mga isyu:  difficulty in getting health insurance, 
establishing a minimum standard for writers’ contracts, 
making publishers assume or share the cost of libel 
insurance, and giving writers a fair amount of time 
to return advances on canceled projects.

nasa tatlumpung organisasyon ng manunulat
ang sumama sa rali't kanilang isiniwalat
ang mga nasabing isyung tila nakagugulat
subalit katotohanan ang kanilang inulat

ganyan din ba ang isyu ng manunulat sa atin?
maraming katulad, ngunit ito'y ating aralin
may sariling batas din ang bansang dapat alamin
ngunit pagbuo ng araw na ito'y ating dinggin

oo, Writers' Rights Day sana'y mapagtibay sa bansa
pagkat manunulat ay kabilang sa manggagawa
dapat maorganisa't magpahayag din ng sadya
upang manunulat sa bansang ito'y di kawawa

- gregoriovbituinjr.
06.09.2021
Writers' Rights Day

Samutsaring nilay

kagabi, parang musika ang huni ng kuliglig
tila dumating ang diwatang kaylambing ng tinig
habang nag-aawitan silang parang mga kabig
na sa atas ng diwata'y kaagad manlulupig

subalit kaninang umaga, sa aking pagbangon
may nagsisigawan at nagkakasiyahang miron
may isnatser na nahuli't binugbog pa ng maton
dumating ang parak subalit sinong ikukulong

umulan kagabi kaya ang paligid ay baha
nasok sa silid kaya pala ang semento'y basa
habang sa labas, nagtatampisaw ang mga bata
nakakatuwa ang ginawa nilang munting bangka

at ngayon, tanghali na'y di pa nakapag-almusal
maliban lamang sa naritong kape at pandesal
na di pa rin nagagalaw, lumamig na sa tagal
habang ang makata'y nakatulalang parang hangal

patuloy sa trabaho, patuloy ang pagsasalin
ng iba't ibang dokumento o mga sulatin
tila ba sabik magtrabaho, ayaw pang kumain
nakatutok ang isip sa nasimulang gawain

maraming balakid, mga hadlang, nakahambalang
di lang sa paligid o landas niyang hinahakbang
kundi sa pinagninilayang manggang manibalang
ibibigay kay misis sa panahong lupa'y tigang

- gregoriovbituinjr.
06.09.2021
Writers' Rights Day

Laro ng maestro

LARO NG MAESTRO

habang nagninilay ay pagmasdan din ang paligid
at baka may masagi tayong di pa natin batid
matatanto kung bakit may sagabal o balakid
sa buhay na masalimuot o sala-salabid

nang mapanood ang maestro sa kanyang paglaro
na kahit nasa lumbay ka't dusa'y di manlulumo
sa mga panayam sa kanya'y may tugon at payo
lalo't siya'y nagwawagi kung saan-saang dako

nakatalungko akong pinagninilayang sadya
ang payo ng maestrong sa ngiti'y di mahalata
ang taguri'y Bata upang maiba sa Matanda
na sa bawat tangan ng tako'y ano't matutuwa

mahikero sa bola, di naman basketbolista
magtitisa, mag-iisip, animo'y may pisika
minsan, pinapasok ang bola sa pabanda-banda
sa tirang di tiyak ay napapahanga ang masa

turing sa maestrong dakila'y pinakamagaling
sa lupa ng mga Puti, Pinoy ay nakapuwing
ako'y napagod sa panonood kaya humimbing
at may nasulat sa diwa habang pabiling-biling

- gregoriovbituinjr.
06.09.2021
Writers' Rights Day