Linggo, Hulyo 11, 2021

Paminggalang bayan


PAMINGGALANG BAYAN

salamat po sa Maginhawa community pantry
at kay Patreng na nagsimula nito't nagsisilbi
sa nangyayaring bayanihan ay kayraming saksi
tila ba ito'y apoy nang sa mitsa'y may magsindi

dahil nga kulang ang ayuda ng pamahalaan
di sapat para sa nagugutom na mamamayan
kaya sinimulan ni Patreng ay kadakilaan
lalo't bayanihan ay nakita ng daigdigan

salamat sa paminggalang bayan ng Maginhawa
dahil kahit papaano'y nakatulong sa dukha
lalo na sa walang makaing pamilyang dalita
na gigising sa umaga at pipilang kayhaba

kung sakaling walang laman ang paminggalang bayan
di ibig sabihin, nagsawa na sa bayanihan
baka naubos agad ang anumang nakayanan
at di pa matiyak ang handog sa kinabukasan

gayunman, sa nagsusulputang community pantry
dahil "inspired by Maginhawa community pantry"
kami'y saludo sa inyo, tunay kayong bayani
puso'y di pansarili kundi sa kapwa'y nagsilbi

- gregoriovbituinjr.

Ang edukasyon, ayon kay Einstein


ANG EDUKASYON, AYON KAY EINSTEIN

"Education is not the learning of facts, 
but the training of mind to think." 
~ Albert Einstein

nakita ko lang sa dingding ang nasabing kwotasyon
hinggil sa edukasyon na nakapaskil lang doon
sa daycare center na lunsaran nitong edukasyon
kayganda kaya kinunan ko ng litrato iyon

di lang iyon pagkabisado ng mga detalye
kung anong petsa't saan isinilang ang bayani
kung sino ang ikalabing-anim na presidente
kundi kung paano't bakit ng mga pangyayari

edukasyon ay pagsasanay paano mag-isip
magsuri ng kalagayan kaya huwag mainip
binubuksan ang mundo mo ng bagong malilirip
baka may mga paksang interesado kang mahagip

tulad din ng mga aralin sa matematika
tinuturuan tayo kung paano ba magkwenta
lalo sa usapin ng pera, malulugi ka ba
o sa negosyo mong pinasok, ikaw ba'y kikita

bakit nga ba tinuturuan tayong magmano
sa ating mga matatanda tanda ng respeto
bakit binabasa ang kasaysayan ng bansa mo
bakit sinusuri ang pulitika't pulitiko

inaaral natin anong magagamit sa buhay
di lang magkabisa ng detalye kundi magnilay
magamit sa trabaho't pamilya ang angking husay
edukasyong dala-dala natin hanggang mamatay

- gregoriovbituinjr.

- litratong kuha ng makatang gala sa Day Care Center sa ZOTO Towerville sa Bulacan

Sa batuhan

SA BATUHAN

nakatapak lang ako roon sa batuhang marmol
at sinusuri sa isip ang bawat kong nagugol
habang pinagmamasdan ang buhat nilang palakol
nang mga kahoy na iyon ay mapagputol-putol

nagmumuni-muni habang doon ay nakatayo
inaalagata ang nararanasang siphayo
dahil mga pangarap ay nagbabantang gumuho
nagsusuri paanong di ito sadyang maglaho

nakatitig sa inaapakan, nakatitig lang
mamaya'y titingala sa bughaw na kalangitan
kung anu-anong apuhap sa agiw ng isipan
habang paruparo sa hardin ay nag-iindakan

naririyan pa rin ang paralumang minumutya
tunay na inspirasyon sa aking bawat pagkatha
ang musa ng panitik na lambana ko't diwata
na pagsinta'y pagpapaubaya't pagpaparaya

- gregoriovbituinjr.

Danas

tila nakasiksik sa waring pigil na damdamin
ang mga nakabaong tinik ng alalahanin
habang ang di magagap sa gunita'y sinisinsin
ngunit di malimot ang mga karanasang angkin

di matingkala kung paano harapin ang unos
ng buhay na iwing nangangarap ding makaraos
patuloy ang pulong, magsasaing pa pagkatapos
habang walang iuulam sa panahong hikahos

kaya dapat mabatid ang kakaharaping sigwa
upang di maunahan pag tuluyang nagsagupa
kahit naririnig ang munting impit ng pagluha
sa mga kalagayang madalas di matingkala

anuman ang mangyari'y pipiliting makaahon
di hahayaan ang sitwasyong parang nakakahon
kuko man ng ibong madaragit ay nakabaon
pipiliting pumiglas at lalaban din paglaon

- gregoriovbituinjr.