Martes, Hulyo 25, 2017

Itigil ang tokbang!

ITIGIL ANG TOKBANG!

ang tokhang ay pagkatok upang makiusap
nangyari'y di tokhang kundi tokbang nang ganap
ang buhay na'y nawawala sa isang iglap
nangyari'y tok! tok! bang! bang!, walang usap-usap

ganito ba ang mundong iyong nais, sinta?
mamulat sa karahasan ang iyong kapwa
kalaban ng krimen ay kriminal din pala
walang proseso't nakapiring ang hustisya

walang paki sa buhay, basta tinitiris
ang buhay ng dukhang itinulad sa ipis
sa nanonokbang, di na uso ang due process
sinumang pinuntirya'y di na malilitis

proseso'y igalang, litisin ang maysala
panagutin sa krimeng kanilang nagawa
huwag tularan ang mga tusong kuhila
na naglalaway na sa dugo't tuwang-tuwa

wala na bang budhi silang paslang ng paslang?
o makikinig pa ang mga pusong halang:
may karapatan sa buhay bawat nilalang
kaya itigil ang tokbang, ang tok! tok! bang! bang!

- tula't litrato ni gregbituinjr., SONA 2017