Linggo, Pebrero 16, 2014

Huwag kang himatlugin

HUWAG KANG HIMATLUGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kumilos ng kumilos, huwag himatlugin
maging mapanlikha, anong kaya pang gawin
lahat tayo'y tatanda't nagiging ubanin
ngunit kalusugan ay alagaan pa rin

galaw-galaw, baka ma-istrok, ika nila
huwag yaong laging nakahiga sa kama
kung may ramdam na sakit, mag-ehersisyo ka
bakasakaling katawan mo'y lumakas pa

baka manigas kung lalaging nakaupo
mga himatluging lagi nang nakayuko
pakuya-kuyakoy, turo na lang ng turo
ayaw kumilos, sa sakit na'y sumusuko

huwag maging himatluging nakatunganga
na akala mo'y ahas yaong nakatuka
galaw-galaw ka't baka ma-istrok kang bigla
di ka maagapan, tuluyang mamayapa

Paghagulgol ng mga puno

PAGHAGULGOL NG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang mga puno'y kaytindi ng daing at hagulgol
kailan matitigil ang sa kanila'y pagputol?
sa pagkalbo ng kagubatan, sila'y tumututol
tanong sa atin: sa kanila ba'y ito ang hatol?

nais ng mga punong magprotesta nang tuluyan
magtungo sa Malakanyang kung kinakailangan
ngunit kung ang pangulo mismo'y walang pakialam
yaong pagputol sa kanila'y di mapipigilan

dagdag na tanong: anong dapat gawin nilang puno?
sila'y umalis sa gubat at tuluyang maglaho?
magbabalik lamang kung ang tao na'y nagtitino?
puno ba'y aalagaan, hahayaang lumago?

ang mga puno'y buháy, kuhanan ng makakain
pananggalang sa baha't unos, sa araw ay lilim
ngunit kung tingin sa puno'y troso ng mga sakim
kawawang puno, lagi na lang silang sisibakin