Martes, Agosto 31, 2021

Pabahay

PABAHAY

kayraming nakatenggang tahanan
habang kayraming walang tirahan
bakit ba ganyan? anong dahilan?
karapatan ba'y pinabayaan?

mga tanong ng dukha'y ganito:
kung pabahay ay karapatan mo, 
karapatan ko't ng bawat tao
ay bakit ito ninenegosyo?

kayraming bahay ang nakatengga
upang pagtubuan at ibenta
sa mga nagtatrabahong masa
di sa walang bahay, walang pera

kung ganyan pala, sistema'y bulok
dahil mga dukha'y di kalahok
negosyo'y tuso, tubo ang tarok
karapatan na ang inuuk-ok

masdan ang mga dukha sa atin
pera'y di sapat kung iisipin
kung magkapera, una'y pagkain
nang pamilya nila'y di gutumin

karapatan natin sa pabahay
ay naukit na sa U.D.H.R.
pati na sa I.C.E.S.C.R.
pagkat bahay ay buhay at dangal

karapatang balot ng prinsipyo't
tinataguyod nating totoo
ika nga: "Pabahay ay serbisyo!"
dagdag pa: "Huwag gawing negosyo!"

patuloy na ipaglaban natin
ang karapatang dapat angkinin
makataong pabahay ay kamtin
dignidad itong dapat kilanlin

- gregoriovbituinjr.
08.31.2021

- litratong kuha ng makatang gala sa tapat ng opisina ng paggawa
* U.D.H.R. - Universal Declaration of Human Rights
* I.C.E.S.C.R. - International Covenant on Economic, Social, and Cultural Rights

Ang pusa

ANG PUSA

kumusta ka na, Pusa, anong iyong kailangan?
tila baga muli kang kumakatok sa pintuan
marahil ay naamoy mong pritong isda ang ulam
sandali, hintay lang, at ikaw ay aking bibigyan

siya ang pusang madalas makitulog sa gabi
sa tabi ng bintana, taas ng eskaparate
minsan sa ginagawa ko'y tahimik siyang saksi
habang naglalamay ng kung anong akda't diskarte

madalas akong maunang gumising sa umaga
maya-maya, tanaw ko nang nag-iinat na siya
ah, mabuti nang may pusa dito sa opisina
may panakot sa malalaking daga sa kusina

minsan sa ilalim ng sasakyan siya tatambay
tila baga doon ang palaruan niyang tunay
minsan pag nananghalian ako, siya'y kasabay
at pag nagsusulat ay nakakawala ng lumbay

- gregoriovbituinjr.
08.31.2021

COVID

Dalawang pinsang buo ko at tiyahin ko (nanay nila) ang sabay-sabay na namatay sa COVID sa probinsya: sina Kuya Esmer Bituin, Ate Evelyn Bituin-Alipio, at Inay Charing Bituin.

Kumatha ako ng soneto (tulang may labing-apat na taludtod) bilang alay at pagninilay:
COVID

nakabibigla, dalawang pinsang buo't tiyahin
ang sabay na nangawala dahil sa COVID-19
noon, kapag nauwi ng probinsya'y dadalawin
silang kamag-anak kong sadyang malapit sa akin

si Kuya Esmer sa pabrikang PECCO'y nakasama
ko ng tatlong taon bilang regular sa pabrika
si Ate Evelyn nama'y palakwento't masaya
maalalahanin si Inay Charing, aking tiya

wala na sila, wala na, nahawaan ng COVID
tinamaan ang nanay at dalawang magkapatid
mag-ingat tayong lahat sa nananalasang sakit
tunay ngang virus na ito'y sadyang napakalupit

pagpupugay sa mga kamag-anak na nawala
salamat sa buti ninyo't masasayang gunita

- gregoriovbituinjr.
08.31.2021