Huwebes, Hunyo 7, 2012

Kapanatagan sa Banlik ng Panatag

KAPANATAGAN SA BANLIK NG PANATAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

SHOAL - (showl) n.- banlik, buhanginan; bahura; lugar na mababaw ang tubig; hapila, rompeyolas; v.- bumabaw; pumunta sa mababaw, magkumpol-kumpol, magkawan; n.- pulutong, grupo; kawan (ng isda); kulumpon

Scarborough shoal sa wikang Ingles ang dito'y tawag
Bajo de Masinloc naman yaong Kastilang bansag
sa wikang Filipino ito'y Banlik ng Panatag
at ang banlik na ito ang usaping nakalatag

sa lapit nitong banlik sa bansa ito nga'y atin
dahil sa interes ng dayo, tayo’y didigmain
ah, mabuti pang banlik na ito'y walang mag-angkin
tulad niyang ilog, karagatan, araw at hangin

imbes na digmaan, dapat pag-usapan ang isyu
paano ba dapat linangin ang banlik na ito
ngunit naririyan na ang Tsino't Amerikano
tila naggigirian ang pandigma nilang barko

nang mapatalsik base militar ng Amerika
hanap nila'y paanong pupwestong muli sa Asya
sa isyu ng Panatag, tila isip nila'y gera
tila gusto na nilang digmain ang bansang Tsina

at sa isyu ng Panatag, tila ba piyon tayo
dalawang higante'y nagpapayabangan na dito
ngunit bakit digmaan ang magreresolba nito
gayong pwedeng pag-usapan ang mga isyu rito

banlik ba'y sa Tsina, sa Pilipinas, o panlahat
di tayo piyon ng mga kapitalistang bundat
di tayo dapat padala sa mga pang-uupat
ng mga bansang tanging tubo ang adhikang tapat

nais ko'y kapanatagan sa Banlik ng Panatag
imbes na diwa ng digma ang dito'y nakalatag
dugo't kanyon ay di tugon sa usaping kaydawag
kundi diwang payapa ang unang dapat ihapag

linangin ang banlik para makinabang ang lahat
dahil walang dapat mag-angkin ng banlik at dagat
mahinahong pag-usapan ng madla't diwang mulat
ang lutang at tagong isyu rito, balita't ulat

dapat makinabang lahat sa Banlik ng Panatag
sa prinsipyong ito, walang bansang dapat lumabag
anumang tambol ng digmaan ay dapat mabasag
sa anumang pang-uupat, di tayo patitinag

kapanatagan ang una, di tubo't panghahamig
walang dugong dapat tumagas, ito'y aming tindig
kapayapaan sa banlik yaong dapat marinig
na ipagsisigawan natin sa buong daigdig

* Banlik ng Panatag - tinatawag ding Bajo de Masinloc, at sa internasyunal ay Scarborough shoal