Linggo, Agosto 31, 2025

Pagngiti pala'y isa ring sandata

PAGNGITI PALA'Y ISA RING SANDATA

minsan, ngiti na lang ang naiiwan kong sandata
upang kaharapin ang buhay at mga problema
lalo't yaring puso'y lumuluha at nagdurusa
sa pagkawala ng sinta, narito't nag-iisa

ngiti'y pakikipagkapwa, tandang nagpapatuloy
sa buhay bagamat sa daan kayraming kumunoy
nakikipagpatintero sa lansangang makahoy
at madawag, nagkalat ang mga dahong naluoy

ngiti'y kalasag at armas ng tulad kong makatâ
sandata rin ito ng tulad naming mandirigmâ
na naritong nakatindig, daanan man ng sigwâ
na kasangga sa pagbaka ay milyon-milyong dukhâ

oo, ako'y karaniwang taong sandata'y ngiti
sa kabila ng trapo't dinastiyang naghahari
at nagngingitngit sa sistemang pulos palamuti
maunlad daw ngunit kahirapa'y nananatili

- gregoriovbituinjr.
08.31.2025

Makitid man ang daan

MAKITID MAN ANG DAAN

kapara ng tunnel na madilim
ay may liwanag ding matatanaw
sa dulo kahit ka naninimdim
at ang kagubatan mo'y mapanglaw

gaya rin ng makitid na daan
upang di mahagip ng sasakyan
na nilakbay mo kanina lamang
ay luluwag din sa kalaunan

tulad ng pagharap sa problema
di ka tatakbong parang atleta
puno't dulo'y suriin talaga
nang malutas sa abot ng kaya

ang lansangan man ay anong kitid
pagkat inaayos ang paligid
maglakad ka lang doon sa gilid
baka may malaman pang di batid

hinay-hinay lang nang di hingalin
ikaw naman ay makararating
sa pupuntahan mo't adhikain
ika nga, magtatagumpay ka rin

- gregoriovbituinjr.
08.31.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/reel/636131269553670