PAGMASID SA MGA BITUIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ang Mae Sot nga ba’y isa na lang alaala
tulad ng dalagang sinuyo ko’t sininta
aking minahal sa sandaling pagbisita
ngayon gunita na lang yaong ngiti niya
habang nililisan ko siya’y minamasdan
kumikislap ang bituin sa kalangitan
tila may tanong itong sa diwa’y iniwan:
ako kaya sa Mae Sot ay may babalikan?
pakiramdam ko’y tila kayhaba ng gabi
dumuduyan sa pangarap ang guniguni
tila ayaw ko munang bumalik sa dati
habang masid ang bituin sa pagmumuni
sampung araw sa Mae Sot ay sadyang di sapat
mata ko’y bahagya ko pa lang namumulat
gayunman, may bagong pahinang masusulat
prinsipyo’t karanasang maisasaaklat
mga bituin ay ating muling pagmasdan
tila nagsasayaw sila sa kalangitan
ipinagdiriwang ang bagong karanasan
na maiuuwi sa nakagisnang bayan
isang tagumpay ang nangyaring paglalakbay
bagamat may ilang ang puso’y nangalumbay
sa paghihiwalay, may mga nagsisikhay
upang paglayang asam ay matamong tunay
- sa loob ng bus mula Mae Sot patungong Bangkok, Setyembre 25, 2012