Lunes, Mayo 17, 2010

Buhay ng Manunulat

BUHAY NG MANUNULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Nung baguhan pa lang akong magsulat
Ako'y agad tutunganga sa papel
Kahit ako'y wala pang isusulat
Habang tangan ko sa kamay ang pinsel

Ngunit nang ako'y maging manunulat
Di na ako tumunganga sa papel
Pagkat binalangkas ang isusulat
Habang nag-iisip wala mang pinsel

Ngayong kaytagal ko nang manunulat
Minsan tutunganga pa rin sa papel
Habang nasa diwa'y isinusulat
At sa kompyuter na ipinapaskel

Nanliligaw o Naliligaw?

NANLILIGAW O NALILIGAW?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ako nga ba'y nanliligaw o naliligaw
dilag ba'y madadala doon sa batingaw
ng altar sa kasalang di pa matanaw
magtatagumpay ba ako o matutunaw

Pula ang Kulay ng Pag-asa

PULA ANG KULAY NG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

walang tayong maaasahan
sa nanalong hukbong dilawan
sarili ang nakikinabang
at di ang buong sambayanan

serbisyo nila'y kulang-kulang
habang sila ang yumayaman
serbisyo'y negosyo na lamang
ng mga pulitikong iyan

sa kanila'y wala ang bayan
kundi ang pinagtutubuan
sa kanila'y kawawa lamang
itong ating kinabukasan

ang tangi nating aasahan
ay ang lumalabang pulahan
tunay na kakampi ng bayan
silang babago ng lipunan

pula ang pag-asa ng bayan
pula ang kulay ng paglaban
pula ang ating karangalan
at pula ang paninindigan