Linggo, Hulyo 13, 2008

Hindi Saging ang Bata sa Video

HINDI SAGING ANG BATA SA VIDEO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Sa miting ng grupong Green Convergence sa Environmental Science Institute sa Miriam College sa Lunsod Quezon ay ipinalabas ni Ms. Lia Esquillo ang isang video hinggil sa isyung aerial spraying sa Davao. Si Ms. Lia ang executive director ng IDIS o Interface Development Interventions, Inc. Ang sumusunod na tula'y may tigsampung pantig bawat taludtod.)

Sa isang pinalabas na video
Ni Madam Lia na Davaoeño
Pinaulanan ng pestisidyo
Na binagsak mula eroplano
Ang mga saging at mga tao.

Rason ng namuhunan sa saging
Ang mga peste’y dapat patayin
Kaya gamit nila’y eryal isprey
Na tinamaa’y di lang pananim
Kundi pati tao sa paligid.

“Hindi ako saba o lakatan
Hindi ako saging na latundan
Bakit pati ako’y inambunan
Inispreyan ang aking katawan
Ng lason ng kumpanyang gahaman.”

Itong sabi ng bata sa video
Batang wala pang muwang sa mundo
Na biktima ng sakim sa tubo.
Nagkasakit na ang batang ito
Batang hindi saging, kundi tao.

Bukod sa kanya ay marami pa
Ang nagkasakit at nabiktima.
Lingkod-bayan ay agad nagpasa
Ng ginawa nilang ordinansa
Eryal isprey ay pinagbawal na.

Ngunit nakapalag ang kumpanya
Ito’y agad nakapag-apila
Kaya napigil ang ordinansa
Anim-na-buwang nagpatuloy pa
Ang eryal ispreying sa kanila.

Kaya ngayon ay inaabangan
Ang kahatulan nitong hukuman
Ang eryal isprey ba’y papayagan
O ito’y tuluyang pipigilan
Para sa kalusugan ng bayan?

At akin ding dito’y namamasdan
Kung ano ang dito’y nakasalang
Nakataya sa naglalabanan:
Dignidad ng mga lingkod bayan
Laban sa mga mamumuhunan.

Ang labanang ito’y kaytindi na
Tutubuin o ang ordinansa
Puhunan o kalusugan nila
Mga tao laban sa kumpanya
Lingkod-bayan o kapitalista.

Ang masasabi ko lang ay ito
Hindi saging ang bata sa video
Kaya sa Davao ma’y kaylayo ko
Panawaga’y sumuporta tayo
Sa laban ng mga Davaoeño.

Hulyo 12, 2008
Sampaloc, Maynila

JPEPA, Ibasura!

JPEPA, IBASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May mga balita doon sa Senado
Dapat JPEPA raw iratipika na
Sa muling pagbubukas nitong Kongreso
Dapat pirmahan na raw itong JPEPA.

May side agreement daw, ang sabi ni Miriam
Na ilalagay pag niratipikahan
Ngunit si Pimentel, di sang-ayon naman
Pagkat di ito ang batas na naturan.

Dahil may side agreement isasabatas
Itong JPEPAng kayrami namang butas
Maling ang JPEPA’y agad bigyang basbas
Kung makasasama na sa Pilipinas.

Kaya, mga senador, kami’y pakinggan
Itong JPEPA’y ibasurang tuluyan!

Hulyo 6, 2008
Sampaloc, Maynila

Iligtas Natin ang Kalikasan

ILIGTAS NATIN ANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

kinakain nati’y mula sa kalikasan
bigas na pag naluto’y kaning malinamnam
iba’t ibang gulay na kaysarap ibulanglang
piritong isdang mula sa ilog at dagat
ano’t hindi natin aalagaan
itong ating likas-yaman
na siyang unang niyuyurakan
ng mga kompanyang dambuhala
tapon sa ilog ang tirang langis
tapon sa langit ang usok na mabangis
pati na usok ng tambutso ng dyip,
bus, trak, motorsiklo’t awtomobil
sino pa ang mangangalaga ng kalikasan
kundi tayo ring kanyang mga anak
kung hindi ngayon, kailan pa
kung hindi tayo, sino ba
sasagipin lang ba ang kalikasan
kapag ito’y tuluyang nasira na?

Pagkaluray ng Katauhan

PAGKALURAY NG KATAUHAN

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Napakataimtim ng kanyang kasibaan

Nag-aastang reyna ng Perlas ng Silangan

Namumutawi sa bunganga’y kayabangan

Upang mapanatili ang poder ng kapangyarihan.


Sinasambit-sambit ang nakasusukang salita

Siya raw ang tanging pinakamagaling

At kahanga-hangang puno ng bansa

Diyata’t ang taong ito’y tila napapraning.


Ito’y tahasang pagbubuhat ng bangko

Kalabisan na ito ng pangulong payaso

Sadyang panloloko sa masang tuliro

Sa kahirapan nilang di na mapagtanto.


Mga hirap na manggagawa’y tuloy naman sa trabaho

Nagsisipag, nagpapawis, naggigitata ang noo

Habang humahalakhak ang mga masiba sa tubo

Nagsasaya’t nagpapakabusog sa pawis ng obrero.


Maralita’t manggagawa’y sawa na sa kahirapan

Lalo na itong mga manggagawang kababaihan

Doble ang pasanin nila sa pabrika’t tahanan

Naluluray na ba ang kanilang mga katauhan?


Maraming dahilan kung bakit ganito’y nagpapatuloy

Isa ang globalisasyon sa agad na natukoy

Unti-unti tayong niluluray, pinapaso sa apoy

Nitong gobyernong naglulubog sa atin sa kumunoy


Panahon nang hubaran ng maskarang suot

Ang namumunong sadyang may pusong buktot

Pawiin ang mga patakara’t alituntuning baluktot

Itakwil ang masisiba’t ilibing sila ng ating poot.


Ang gobyernong taksil na sa taumbaya’y walang galang

Gobyerno’y pinamumunuan ng lider na hibang

Sa dagat ng ating mga poot doon natin siya ilutang

Hanggang siya’y malunod pati mga alyadong tampalasan.

O, Babae

O, BABAE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

huwag kang tumulad
kina Huli, Maria Clara
at Sisa na pawang likha
ng bayaning Jose Rizal

tularan mo’y mga babaeng
gaya nina Gabriela’t Liliosa
na mga tunay na bayaning
nakibaka para sa paglaya

Kay Nicole, Biktima ng Rape

KAY NICOLE, RAPE VICTIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Itinago ng isang announcer sa radyo sa pangalang Nicole ang Pinay na ginahasa ng apat na US Marines sa Subic noong Nobyembre 1, 2005)

Hindi mabubura ng luha
ang iyong sinapit
ngunit sige, lumuha ka

Hindi mapapawi ng hikbi
ang nangyari sa iyo
ngunit, sige, humikbi ka

Upang kahit bahagya man
ay gumaan-gaan
ang iyong dinadala

At pagkatapos ng
maraming hikbi
ay pagtitiim-bagang

Ang paghahanap
sa nagtatagong
katarungan

Tanggalin mo
ang tinik na sa dibdib
mo’y nakaharang

Ilabas mo ang galit
ilantad mo ang ginawa
ng mga buhong.

Sila’y mga asal-putik
at ugaling buktot
dapat nang putulin

ang sungay nila’t buntot
humayo ka’t ilibing
sila ng iyong poot

O, Nicole, naririto kami,
huwag nang malungkot
kami’y iyong kakampi,
kaya’t huwag matakot.

Ngunit pag di ka lumaban
Pag hinayaan lang sila
Patuloy silang hahalakhak

Lahi mo’y tatawanan nila
at pag di ka kakasa,
sino na ang isusunod?

Oda sa Babaeng Pinalo ng Pulis sa Rali

ODA SA BABAENG PINALO NG PULIS SA RALI

ni Gregorio V. Bituin Jr.


napapikit ako’t napailing

nang makita kitang

nadapa at nagkalatay

dulot ng hampas ng yantok

ng isang pulis sa Mendiola

duguan pati ang iyong mukha

pumutok ang noo mo

sa hampas ng palo

ahh, putang ina

ayaw ko sanang magmura

ngunit ang ginawa nila’y

hindi makatao

hindi makamasa

hindi makatarungan

kundi ito‘y makahayop

ahh, mas masahol pa sila

pagkat kahit hayop

ay baka di iyon gawin

sa kabila ng mga ganito

tayong naniniwala’t ipinaglalaban

kung ano ang tama at mali

ipinaglalaban ang hustisya sosyal

ay magpapatuloy pagkat

karapatan nating magpahayag

karapatan natin itong lahat

ngunit bakit tayo pinipigilan

bakit pati ikaw ay lalatayan

pasensya na’t di ako nakasaklolo

pagkat lahat sa rali ay nagkagulo

nawala nga pati aking sumbrero

na bigay pa ng dating irog ko

nais kitang saklolohan

ngunit nagkakahulihan

hinuhuli ang nagsasapraktika

ng kanilang abang karapatan

pero naaalala pa rin kita

ang iyong maamong mukha

na naging kulay pula

dahil sa dugong namasa

ahh, kung nililiyag lamang kita’y

hindi ko sila mapapatawad

ngunit kasama kita sa laban

kasama kita kaya dapat ipagsanggalang

laban sa kanilang pamamalo‘t

walang puknat na karahasan

ahh, wala silang pakialam

kahit babae ka pa

pagkat ang alam lang nila

itinuturing kang kalaban

dahil umaangal ka

laban sa kanilang

pinakamamahal na amo

kaya kahit mali

sila’y magbubulag-bulagan

tulad ng asong

bahag ang buntot

sa pekeng pangulo

Di Kailangan ng Permit sa Rali

DI KAILANGAN NG PERMIT SA RALI

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Sabi ng nagmamagaling na politiko

“No permit, no rally” daw ang polisiya nito

Kung magrarali’y kumuha muna ng permit

Iyan daw ay batas na dapat igiit.


Siya pala’y sandaang beses na ungas.

Di nagbabasa nitong Saligang Batas.

Di ba niya alam na isang karapatan

Itong pagrarali maging ng sinuman.


Sa Konstitusyon, ang Artikulo Tres

Ay tungkol sa ating Bill of Rights

Kung saan sa pang-apat na seksyon

Ay nagsasabing walang batas

Na dapat isagawa kung sasagka

Sa ating karapatan sa pananalita

O pagpapahayag, maging pagkilos


Ito’y maliwanag pa sa sikat ng araw

Na dapat nating maunawaan

At ng politikong naghahari-harian.

Kaya ang pagkuha ng permit sa rally

Ay kahunghangang sagka sa karapatan.


Ah, dapat lang nating ipaglaban

Ang ating mga karapatan

Ito’y di dapat ipagkait sa sinuman

Lalo na ang kalayaan sa pagpapahayag.