Huwebes, Marso 14, 2024

4-anyos, inabuso ni Uncle

4-ANYOS, INABUSO NI UNCLE

si Uncle, napakabastos pala 
aba'y kanyang inabusong lubos
ang pamangkin, kanyang minolestiya'y
batang babaeng apat na anyos

napansin lang ng ina ng bata
ari nito'y ayaw pahawakan
sa ina at masakit daw sadya
ang ari gayong hinuhugasan

dito na kinabahan ang nanay
sa nadiskubre sa munting anghel
kanya palang anak ay hinalay
ng walang iba kundi ni Uncle

napag-alamang paralisado
ang kalahati nitong katawan
subalit nagawa pa rin nito
sa pamangkin yaong kahayukan

sa kabila nito'y nakatakas
ang Uncle na kapatid ng ina
ah, saan mang gubat ay may ahas
kadugo na'y kinakatalo pa

dapat nang mahuli ang tiyuhin
nang managot sa pagkakasala
pagkat ang epekto sa pamangkin
ay madadala hanggang pagtanda

- gregoriovbituinjr.
03.14.2024

3-anyos, ginilitan ng ama

3-ANYOS, GINILITAN NG AMA

Karumal-dumal ang sinapit ng 3-anyos na batang babae matapos gilitan habang natutulog ng kanyang desperadong ama na nagpakamatay rin matapos tarakan ng patalim ang sarili nitong Lunes ng hapon... ~ ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 14, 2024, pahina 9

dahil nga ba sa pag-ibig at hiwalayan
ang siyang sanhi ng dalawang kamatayan
hiwalay na ang tatay sa ina ng bata
ang ina'y nagbalik, ama'y naging balisa

subalit bakit kailangan pang madamay?
ang inosenteng anak sa kanilang away?
ayon sa ulat, bata'y pinatulog muna
tapos ay ginilitan ng sariling ama

matapos iyon, ang ama'y nagpatiwakal
yaong nangyari'y talagang karumal-dumal
na di naagapan dahil daw sa depresyon
bakit nangyari? bakit naganap ang gayon?

problemang ganyan ba'y paano lulutasin?
bago pa may mangyaring di maganda't krimen?
sikolohista ba'y anong payo't mensahe?
upang maiwasan ang ganyang pangyayari?

- gregoriovbituinjr.
03.14.2024

P60 na ulam

P60 NA ULAM

sa panahon ngayon, presyo'y nagtaasan talaga
tulad ng presyo ng ulam na binili kanina
trenta pesos ang pritong isda, gayon din ang torta
habang sa bahay naman, ako'y nakapagsaing na

sa ibang lugar nga ay mura pa raw itong lubos
may order ng gulay na halaga'y singkwenta pesos
at may isda namang ang halaga'y sisenta pesos
habang ang isang order ng karne'y sitenta pesos

sa buhay na ito'y tipid, tiyaga't pagtitiis
kung walang tiyak na pera'y huwag magbuhay-burgis
minsan, ulam ko'y hilaw - bawang, sibuyas, kamatis
pampalusog na ay pampakinis pa raw ng kutis

subalit masaya na rin ako't may ganyang ulam
pagkakain, iinom ng tubig na maligamgam
mabuti't magkarne ay nakayanan kong iwasan
lalo't nagbuhay-begetaryan na at badyetaryan

- gregoriovbituinjr.
03.14.2024

Hinarangan ng pulis sa rali

HINARANGAN NG PULIS SA RALI

Pandaigdigang Araw iyon ng Kababaihan
lalaki man ako'y nar'on, sila'y sinuportahan
patungong Mendiola subalit Morayta pa lang
ay hinarang ng pulis ang mga kababaihan

magkabilaan ibinalandra ang dalawang trak
tila ba mga babae ay kalaban ng parak
Malakanyang ba'y takot na ChaCha niya'y masibak
kaya mga raliyista ay pilit sinisindak

"Labanan ang ChaCha ng mga trapo at dayuhan!"
"Kilos Kababaihan! Labanan ang Kagutuman,
Kalamidad, Karahasan..." na nais mawakasan
sigaw nilang iyon ay dumagundong sa lansangan

akala'y patungo ang mga babae sa gera
pagkat pulis pa ang mga humarang sa kanila
nais lang ipaabot na ayaw nila't ng masa
sa ChaCha ng elitista, pulis ay nangharang na

di man nakarating ng Mendiola, matagumpay
na naidaos ng raliyista't ng buong hanay
ang programang sa nagbabagang isyu'y tumalakay
sa kababaihan, taaskamaong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
03.14.2024

* kuhang selfie ng makatang gala, 03.08.2024